Ang Bayan Ngayon » Planta ng niyog sa Sorsogon City, inirereklamo ng mga Sorsoganon

Nireklamo ng mga residente ng Barangay Cabid-An, Sorsogon City noong Hulyo 11 sa istasyon ang mabahong amoy ng ilog sa Sityo Ilawod ng barangay na nagmumula sa tinapon na sabaw ng niyog galing sa planta ng Peter Paul Philippines Corporation (PPPC). Ipinahayag nila ang kanilang pagkadismaya sa isang panayam sa Brigada Sorsogon. Anila, marami na ang nagkakasakit na bata dahil sa amoy at naapektuhan ang mga mangingisda.

Ayon sa Cabid-an Fisherfolk Association, noong wala pa ang PPPC, mababa na ang P1,500 kita sa isang araw sa panghuhuli ng isda. Ngayon, maswerte na silang kumita ng P50 sa isang araw.

Hugas kamay naman ang PPPC at sinabing hindi lamang sila ang establisyamento na malapit sa barangay na pwedeng pagmulan ng water waste.

Sa simula palang ng operasyon ng PPPC sa Sorsogon City noong Enero 2013 ay samu’t sari nang reklamo ang hinain ng mga Sorsoganon laban sa planta. Kabilang dito ang ingay at usok na lumalabas rito, pagkalason ng mga sapa at pala-isdaan na nagdulot ng pagkamatay ng mga isda at pagkasira ng mga bakawan sa Sorsogon Bay. Kalaunan, napag-alaman na nag-opereyt ito ng walang enviornmental permit. Nag labas rin ng pagsisiyasat sa tubig ang Environmental Management Bureau (EMB) Region 5 na may lason ang nilalabas na basura ng planta. Dahil dito pansamantala itong ipinasara.

Nang muli itong mag-opereyt, patuloy parin ang iligal nito na pagtapon ng basura ng pabrika na dumadaloy sa ilog hanggang sa Sorsogon Bay. Sa kabila ng ilang beses na pagrereklamo ng mga residente, mangingisda at taong simbahan sa mga upisyal ng gubyerno at Sangguniang Panlalawigan ng lungsod upang imbestigahan ang PPPC, ay hindi parin nareresolba ang problema.

Ilang beses narin nagbanta ang mga nagdaang meyor ng syudad na ipasasara nila ang kumpanya dahil sa mga reklamo dito ngunit wala parin nangyari.

Ang Peter Paul Philippines Corporation (PPPC) o kilala bilang Consolidated Coconut Corporation ay dating subsidyaryo ng Peter Paul Inc. ng Connecticut, USA. Ang kumpanya ang taga-suplay ng tubig ng buko, pinatuyong kinayod na laman ng niyog, virgin coconut oil, coconut oil, gata, arina mula sa niyog at kopra para sa iba’t ibang kumpanya. Unang tinayo ang PPPC sa Pilpinas noong 1946 sa Candelaria Quezon, kasunod ang planta sa Sorsogon. Noong 2021, nagtayo ito ng ikatlong planta sa Plaridel, Misamis Occidental.

Ang PPPC ang may pinakamalaking pasilidad sa mundo na naglilikha ng 22,000 metrikong toneladang pinatuyong kinayod na niyog (desiccated coconut) kada taon. Noong 2024, umabot sa $5.1 milyon ang kita ng kumpanya.

Source link