Naglunsad ng signature campaign ang mga residente at katutubong Ibatan ng Barangay Babuyan Claro, Calayan, Cagayan noong Nobyembre 19 laban sa aplikasyon para sa eksplorasyon ng kumpanyang Ludgoron Mining Corporation. Plano ng kumpanya na minahin ang isla ng Babuyan Claro.
Naglabas ng resolusyon noong Nobyembre 14 ang Sangguniang Bayan upang tutulan lahat ng aplikasyon para sa eksplorasyon ng kumpanya at lahat ng porma ng pagmimina at pagkwari sa bayan ng Calayan. Nanawagan din si Meyor Jong Llopis sa Department of Natural Resources na tanggihan ang aplikasyon ng kumpanya. Aniya, maapektuhang ng pagmimina ang likas na yaman sa isla. May aktibong bulkan sa isla at may mga kritikal na tirahan ng mga yamang dagat.
Nagpahayag din ng pagtutol ang Parokya ng San Bartolome sa planong eksplorasyon.
Ang Ludgoron Mining Corporation ay nagmimina ng nickel, cobalt, ginto at tanso at nagmamay-ari rin ng mga minahan sa Pantukan, Carrascal, Surigao del Sur at Andap Valley sa Surigao del Norte.











