Ang Bayan Ngayon » Petisyon ng mga magsasaksa sa Guimba, sinuportahn ng KMP

Nagpahayag ng mahigpit na suporta ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa laban mga magsasaka sa Guimba, Nueva Ecija para itaas ang presyo ng palay sa makatwirang antas.

“Dapat pakinggan ng pambansa at lokal na gubyerno ang panawagan ng mga magsasaka. Doble pahirap ang Rice Liberalization Law o RA 11203 at ang pagbagsak ng presyo ng palay. Nararapat lamang ang Php20 na floor price para sa sariwang palay upang matiyak ang kabuhayan ng mga magbubukid,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

Noong Hunyo, nagbuo ng petisyon ang 199 magsasaka ng palay sa Barangay Bantud, San Roque at iba pang mga barangay sa Guimba, Nueva Ecija para sa kagyat na pagpapatupad ng ₱20 kada kilo na presyo para sa sariwang palay. Ikinabahala ng mga magsasaka ang pagbagsak ng presyo ng palay sa P10 hangang ₱12 kada kilo, at mas mababa pa sa ibang mga barangay.

Ang Nueva Ecija, partikular ang bayan ng Guimba, ang pangunahing prodyuser ng bigas sa bansa. Sa unang quarter ng 2023, nakapagtala ng 345,547 metric tons (MT) ng ani ng palay ang probinsya o katumbas ng 39.8% ng kabuuang produksyon sa Gitnang Luzon, kung saan galing ang 18.1% ng pambansang ani.

Ayon sa KMP, sinalanta ng RA 11203 aang mga magsasaka ng palay dahil sa pagpapahintulot nito ng walang sagkang importasyon ng bigas. Dahil dito, binabaha ang merkado ng imported na bigas, dahilan ng pagbagsak ng presyo ng lokal na palay.

“Pahirap sa magsasaka ang pagpapatuloy ng RA 11203 at maging ang amyenda nitong RA 12078. Lalo lang nitong ibinabaon sa utang at kawalang-kita ang mga magsasaka ng palay,” giit ni Ramos. “Ang mga trader at importer lang ang nakinabang. Matagal nang dapat ibinasura ang batas na ito.”

Ang petisyon ng mga magsasaka sa Guimba ay nagpapahiwatig ng pambansang krisis sa palay na nakakaapekto sa milyun-milyong magsasaka ng palay. Kasabay ng pagpataw ng ₱20 kada kilo ng palay dapat ring ibalik ang mandato ng NFA sa pagbili ng direkta sa mga magsasaka, at bigyan suporta ang pagproseso ng palay kabilang ang pagbilad, pag-imbak at pagpadala sa merkado, paliwanag ng grupo

“Ang laban para sa pagpapataas ng presyo ng palay ay laban ng lahat ng magsasakang Pilipino. Dapat itong suportahan ng publiko at aksyunan ng gobyerno” panawagan ni Ramos.

Source link