Panrehiyong balangay ng Manindigan Network, itinatag sa Negros Island

Nagsama-sama ang mga taong-simbahan, abugado, tagapagtanggol ng karapatang-tao at kinatawan ng iba’t ibang sektor sa Our Lady of Lourdes Parish, Barangay Bata, Bacolod City noong Setyembre 23 para itatag ang balangay ng Manindigan Network sa Negros Island. Ikalawa ang Negros sa mga rehiyong may panrehiyong balangay ng Manindigan.

Ang ugnayan ay isang pambansang kampanya na lalaban sa mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas (IHL o International Humanitarian Law) sa ilalim ng rehimeng Marcos. Itinatag ang pambansang ugnayan noong Setyembre 6 sa Maynila, na sinundan ng pagkakabuo ng Manindigan-Central Luzon noong Setyembre 12.

Ayon sa One Negros Ecumenical Council, magsisilbi ang bagong tatag na ugnayan para palawakin ang naaabot at pagtutulungan ng iba’t ibang mga sektor para itaguyod ang karapatang-tao at IHL sa rehiyon. Sa buong bansa, ang Negros ang mayroong pinakamaraming naitalang kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao at IHL sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Mayroong hindi bababa sa 1,153 kaso ng paglabag sa isla, kung saan biktima ang 95,400 indibidwal kabilang ang halos 5,000 menor de edad. Sangkot sa mga krimen na ito ang mga yunit ng 302nd at 303rd IBde ng Philippine Army na nangangasiwa sa mga operasyong kombat sa isla.

Bago pa man ang pag-upo sa poder ni Marcos, dumanak na ang dugo ng mga magsasaka, manggagawa at mga aktibista sa isla sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ipinataw ng rehimeng Duterte ang de facto na batas militar sa rehiyon noong 2018 sa bisa ng Memorandum Order (MO) 32 na nagbuhos ng karagadagang pwersang militar at pulis sa Negros, Bicol at mga isla ng Samar.

Sa ilalim ng MO32, higit 100 kaso ng ektra-hudisyal na pagpatay at sapilitang pagkawala ang naitala sa isla. Higit 100 mga magsasaka, manggagawang-bukid at aktibista rin ang naging biktima ng iligal at arbitraryong pag-aresto ng mga pwersa ng estado sa bisa ng gawa-gawang mga mandamyento.

Tulad ng balangkas ng pambansang balangay ng Manindigan, ikakampanya ng mga panrehiyong katumbas na grupo ang pananagutan at hustisya para sa mga biktima ng rehimeng Marcos.

Source link