Paninira ni Pulong Duterte kontra sa NPA, basura—CPP

Desperadong tangkang tabingan ang malalalang krimen ng pamilyang Duterte ang basurang paninira ni Davao City First District Rep. Paolo Duterte laban sa New People’s Army (NPA). Ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP), inililihis ni Duterte ang atensyon ng publiko mula sa malalalang pang-aabuso at krimen ng pamilyang Duterte, laluna ng kanyang ama.

“Puno ng basura ang bunganga ni Pulong, na ibinubuga niya para pagtakpan ang maruming kasaysayan ng pamilyang Duterte,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP.

Kahiya-hiya at nakasusuklam ang pagpapanggap ni Duterte sa pananawagan niya sa diumano’y mga “biktima ng NPA at droga,” gayong ang ama niya na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nasasakdal sa krimen laban sa sangkatauhan sa libu-libong pinatay sa ipinag-utos nitong “gera sa droga.”

Nakakulong ngayon si Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands para humarap sa mga kasong nakasampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC). Pilit pinagtatakpan ng mga Duterte at kanilang mga kasapakat ang malawakang kampanya ng extrajudicial killings, paglabag sa karapatang-tao, at kawalang-katarungan.

“Hindi ang NPA, kundi si Duterte, ang teroristang naghatid ng walang kapantay na sindak at troma sa milyun-milyong Pilipino, kapwa sa gera sa droga, at sa ginawa nitong malawakang pambobomba at panganganyon sa mga pamayanan sa kanayunan,”

Sinimulan ni Rodrigo Duterte ang pekeng gera kontra droga sa Davao bago ito pinalawak sa buong bansa. “Halos apat na dekadang pinagharian ang Davao City gamit ang kamay na bakal,” dagdag ni Valbuena.

“Walang moral na awtoridad si Pulong na mangaral sa mga biktima ng karahasan, gayong siya nga ang nahuli na nananakit, nambubugbog at nagsasamantala sa kababaihan,” ani Valbuena.

Hinihikayat ng CPP ang sambayanang Pilipino na “ilantad ang mga kasinungalingan at propaganda ng mga Duterte.” Ani Valbuena, ang paghahari ng pamilyang Duterte ay paghahari ng terorismo, pang-aapi, at pang-aabuso sa kapangyarihan.”

Source link