Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) | National Democratic Front of the Philippines
Binabati ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) ang ika-52 taong maningning na anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) gayundin sa lahat ng 18 na kasaping organisasyon nito. Nais iaalay ng PKM ang pagpupugay sa libu-libong mga martir na aktibista, organisador at lider ng NDFP at ng mga rebolusyonaryong lihim na organisasyong masa na nagbuwis ng buhay sa kanilang pakikibaka sa nakalipas na limang dekada at gayundin sa lahat ng nagpapatuloy ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya na may sosyalistang perspektiba.
Sa mahigit limang dekada ay naging katuwang ng rebolusyornaryong kilusang magsasaka sa kanayunan ang NDFP sa paghahawan ng landas para sa pagpapalawak at pagpapalakas ng rebolusyonaryong kapangyarihan patungo sa pagtatayo ng mga Organo ng Kapangyarihang Pampulitika sa kanayunan. Libu-libong mga aktibista, organisador at lider ng mga kasaping organisasyon ng NDFP mula kalunsuran ang tumungo sa kanayunan at lumahok sa rebolusyonaryong kilusang magsasaka at Bagong Hukbong Bayan at malaki ang naging ambag nila sa pagpapalawak ng baseng masa, pagsusulong ng rebolusyong agraryo, at armadong pakikibaka para mapalawak pa ang mga sonang gerilya at mapatatag ang mga baseng gerilya.
Sa kalunsuran ay hindi matatawaran ang naging tungkulin nila sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayang Pilipino at tuloy-tuloy na propaganda at edukasyon para sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Higit lalong hindi matatawaran ang naging papel ng NDFP sa usapang pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at mga kasunduan rito katulad ng Comprehensive Agreement on Socio Economic Reform (CASER) at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Nagtatagpo sa parehong rehimeng US-Marcos ang pagkakatatag ng NDFP noong Abril 24, 1973 at ang ika-52 anibersaryo nito ngayon kung saan dumaranas ang mga magsasaka at taumbayan ng matinding kahirapan at pang-aapi mula sa kamay ng malupit ng estado. Dahil dito ay higit ang determinasyon ng PKM at mga magsasaka na isulong ang 12-puntong programa ng NDFP at ang rebolusyong agraryo na pangunahing nilalaman ng pambansa demokratikong rebolusyon upang wakasan ang pagpapahirap at pang-aapi sa sambayanang Pilipino.
Sa kasalukuyan ay pinanghahawakan ng PKM ang dalawang pangunahing panawagang pampulitika para pagbayarin si Rodrigo at Sarah Duterte sa mga krimen nito sa taumbayan at singilin ang rehimeng US-Marcos. Sa linya ng pambansang nagkakaisang prente ay naniniwala ang PKM na kailangang pang palawakin ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para suportahan ang pagpapanagot kay Rodrigo Duterte sa utang na dugo nito sa taumbayan at sangkatauhan na inuusig ngayon sa International Criminal Court (ICC) at kay Sara Duterte na naging bahagi rin ng malawakang pagpatay sa Davao at sa kaso nitong malawakang katiwalian at korapsyon sa nakahapag na impeachment case sa senado. Hindi naiiba ang rehimeng US-Marcos sa nakaraang kriminal na rehimeng Duterte kung kaya’t dapat itong singilin, ipinagpapatuloy lamang nito ang mga patakarang neo-liberal ng imperyalismong US na nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Katulad din siya ng kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos na nagpatindi rin ng pagpapatupad ng mga patakarakang neo-liberal sa ilalim noon ng Structural Adjustment Program (SAP). Nagpapatuloy din ang malawakang paglabag sa karapatang pantao at pagpaslang sa mga aktbista at mga rebolusyonaryo.
Sa loob ng mga panawagang pampulitika laban kay Duturte at sa rehimeng US-Marcos ay naniniwala ang PKM na higit na mahalaga ang ating tungkulin sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa taumbayan para mabuo ang posibleng pinakamalawak na pagkakaisa para isulong ang mga pambansa-demokratikong kahingian at interes ng mga magsasaka at mamamayang Pilipino. Susi sa pagbubuo ng pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino ang ibayong pagpapalakas ng batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka dahil ito ang pundasyon ng pambansa nagkakaisang prente para mabuo ang batayang rebolusyonaryong alyansa sa petiburgesya at kabigin ang mga panggitnang pwersa at ihiwalay at gapiin ang malalaking burgesya komprador at despotikong panginoong maylupa. Ang malakas ng batayang alyansa at saligang alyansa na mangunguna sa mga malalawak na pakikibakang masa ang siyang kakabig sa mga panggitnang pwersa para pumanig sa rebolusyon.
Sa bahagi ng PKM ay patuloy kaming nananawagan sa mga kaalyadong organisasyon sa NDFP at sa hanay ng kabataan at petiburgesya sa kalunsuran na tumungo sa kanayunan at lumahok sa rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Ang panawagang ito ay bahagi ng pangunahing tungkulin ngayon ng buong pambansa demokratikong kilusan na maging bahagi sa patuloy na pagpapalakas at pagpapalawak ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan at ng BHB para sa pagpapalawak ng baseng masa, pagsusulong ng rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka para makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya.
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Makibaka para sa Pambansang Kalayaan at Demokrasya na may Sosyalistang Perspektiba!
The post Palawakin ang pagkakaisa ng sambayanan para pagbayarin ang mag-amang Duterte at singilin ang rehimeng US-Marcos! Palakasin ang batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka na pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.