Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) | National Democratic Front of the Philippines
Naniniwala ang rebolusyonaryong organisasyong masang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM) na ang reaksyunaryong halalang 2025 ay instrumento ng naghaharing uri sa pagpapanatili ng gubyernong magtataguyod ng interes ng malalaking panginoong maylupa, komprador burgesya at mga burukrata kapitalista. Ginagamit nila ang eleksyon para palabasing may demokrasya at ito umano ang sagot sa pag-unlad ng bansa. Subalit pinatunayan ng mga nagdaang eleksyon na wala itong naidudulot na pundamental na pagbabago sa matinding krisis ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunang Pilipino at sa lumalalang kahirapan ng magsasaka at mamamayan. Nagpapalit lamang sila ng mga korap na pulitiko mula pambansa hanggang sa lokal na pusisyon para ipagpatuloy ang mga kontra-magsasaka at kontra-mamamayang mga batas, patakaran at programa.
Ang darating na reaksyunaryong halalang 2025 ay banggaan ng kampo ni Marcos-Romualdez laban sa kampo ni Duterte. Magsisilbi itong paghahanda at sukatan ng lakas ng dalawang kampo sa darating na eleksyong presidensyal sa 2028. Gagamitin ni Marcos ang lahat ng kapangyarihan para konsolidahin ang kanilang kampo at iluklok ang pinsan niyang si Speaker Martin Romuladez bilang susunod na Pangulo sa bansa sa 2028 habang ang kampo ni Duterte ay patuloy na nagpapalakas para tiyakin ang tagumpay ni VP Sara Duterte sa 2028.
Ang impeachment sa kongreso bunga ng katiwalian at korapsyon ni VP Sara ay bahagi na ng buong umiinit na tunggalian ng dalawang kampo, kung saan kinundena ng malawak na magsasaka at mamamayan ang pandarambong ng huli—mismong naging complainant sa impeachment at itinulak ang rehimen na maapruba ito ng mababang kapulungan.
Sa gitna ng halalan, kailangang samantalahin ng nakikibakang magsasaka at mamamayan para itampok ang kanilang mga rebolusyonaryo at pambansa demokratikong adyenda at pakikibaka habang inilalantad ang bulok at reaksyonaryong katangian ng halalan. Kailangang palawakin at palakasin pa ang PKM at buong rebolusyonaryong kilusang magsasaka para ipagtanggol ang karapatan at kabuhayan ng magsasaka at mamamayan sa kanayunan.
Dapat ilantad at biguin ang mga reaksyunaryo at sagad-sagaring kontra-magsasaka, kontra-mamamayang mga kandidato ng malalaking partido at dinastiya sa bansa habang itinataguyod sa iba’t ibang ang mga progresibong kandidato na nagdadala ng mga demokratikong isyu at adyenda ng mga magsasaka at mamamayan.
Rebolusyon at hindi eleksyon ang sagot sa kahirapan ng magsasaka at mamamayan sa kanayunan.
Walang pagpipilian ang mga magsasaka kundi palakasin pa ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo bilang susing kawing sa kanayunan. Palakasin ang pagsusulong ng minimum na programa sa reporma sa lupa sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, pagtataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapataas ng presyo ng produktong magbubukid at pagpapaba ng upa sa makinaryang pambukid. Saan man may kakayanan, ipatupad ang maksimum na programa ng kumpiskasyon ng lupa ng mga despotiko at malalaking panginoong maylupa at libreng pamamahagi nito sa mga magsasakang wala o kulang sa lupang masasaka—sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at pakikipagkapit-bisig sa Bagong Hukbong Bayan.
Palawakin ang suporta ng mga magsasaka at mamamayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan, ang hukbo ng magsasaka. Palakasin ang batayang alyansa ng magsasaka at manggagawa at palawakin ang suporta ng mga petiburgesya at iba pang sektor na sumusuporta sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.
Sagot sa Kahirapan, Rebolusyon Hindi Eleksyon!
Mabuhay ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!