Ang Bayan Ngayon » Pakanang “urban mobility” ni Pangilinan sa Baguio, tinutulan ng mga drayber

Tinuligsa ng mga drayber at opereytor ng mga pampublikong transportasyon sa ilalim ng Piston-Baguio ang Smart Urban Mobility Project (SUMP) ng burgesyang kumprador na si Manny Pangilinan sa Baguio City. Ayon sa grupo, ibayong pagsasapribado ito sa sistema ng transportasyon sa syudad. Magdudulot lamang ito ng dagdag na pahirap sa mga residente at hindi ikauunlad ng syudad.

Tusong inilalako ni Pangilinan, katuwang ang lokal na konseho ng Baguio City, ang SUMP bilang programa na lulutas sa problema ng trapiko, lalo sa panahong dumadagsa ang mga turista sa syudad. Pero batid ng mga drayber na ang tunay na layunin nito ay pagkakitaan ang sistema ng trapiko at mga kalsada sa syudad. Kamakailan lamang, inabot ng matinding batikos ang Mobility Fee Charging System na bahagi ng SUMP. Sa ilalim nito, siningil ng hanggang P250 na “congestion fee” ang mga pumapasok na sasakyan sa Central Business District.

Karugtong din ang pakanang SUMP sa huwad na modernisasyon sa Public Transport Modernization Program na nag-phase-out ng mga tradisyunal na dyip para bigyan-daan ang pagpasok ng dayuhang mga minibus. Dati nang bawas ang bilang ng mga dyip sa daan dahil sa pwersahang konsolidasyon. Lalo pa itong nabawasan nang mabangkrap ang mga kooperatiba ng mga minibus dahil sa pagkakautang at korap na pamamahala. Sa kalaunan, ang mga residente ang nagdurusa sa kalagayang mas kakaunti ang jeep, mas mahaba at matagal na pila, at taas pamasahe ng taxi dahil sa mobility fee, ayon sa Piston.

“(A)ng solusyon sa pagdami ng pribadong sasakyan, kabilang ang mga dinadala ng mga turista, ay ang pagsasaayos ng imprastraktura upang i-akomoda ang mas marami pang sasakyan,” ayon sa Piston. “Hindi (solusyon) ang malabnaw na programa na ang habol ay tubo.”

Dapat, anito, unahin ng lokal na gubyerno ng Baguio ang pagsasaayos ng mga terminal at ruta na naayon sa kahilingan ng mga tsuper at komyuter. Dapat din nitong ayusin at tulugang kumpunihin (rehabilitate) ang nakatenggang mga tradisyunal na dyip na pinagkaitan ng prangkisa.

“Magiging epektibo lamang ang pagbabawas ng pribadong sasakyan kung may maayos na sistema ng transportasyon na hahalili sa mga ito,” ayon sa grupo.

Source link