Ang Bayan Ngayon » Pakanang “board of peace” at ISF ng US at Zionistang Israel sa Gaza, itinakwil ng mga Palestino

Mariing kinundena ng mga Palestino at mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo ang pakanang “board of peace” at pagtatayo ng “international stabilization force” (ISF) na ipinasa bilang resolusyon sa United Nations Security Council. Ipinasa ang Resolution 280 noong Nobyembre 17 sa botong 13-0 at dalawang abstention (Russia at China).

Agad itong kinundena ng Hamas. Tinawag nito ang “board of peace” bilang “pwersahang pagpapataw ng internasyunal na pamamahala sa Gaza.” Labag ito sa mga karapatan ng mga Palestino. Isa rin itong pamamaraan ng pwersahing sumurender ang Hamas gamit ang UN. Anito, walang nyutralidad ang bubuuing ISF.

Kinundena rin ng Popular Front for the Liberation of Palestine (PLFP) ang resolusyon. Anito, hindi nito sapat na natugunan ang iginigiit ng mga Palestino na soberanya at pagpapasya sa sarili. Ni hindi nito ginarantiya ang mga karapatan ng mga Palestinong refugee. Binalewala nito ang lehitimong mga hinaing ng mga Palestino at ipinilit ang dayuhang interbensyon.

Ang pinakabagong pakana ng US at Israel ay walang iba kung isang “mas malalim na anyo ng imperyalistang paghahari,” ayon sa PLFP.

Samantala, kinundena Francesca Albanese ang resolusyon bilang “lubhang nakalilito at nakababahala” at “iligal.” Si Albanese ang Special Rapporteur ng UN kaugnay sa mga karapatang-tao ng Palestine.

“Sa halip na hawanin ang daan para tapusin ang okupasyon at tiyakin ang proteksyon ng mga Palestino, inilalagay ng resolusyon ang Gaza sa risgo ng pagpwesto ng eksternal na kontrol sa pamamahala, mga hangganan, seguridad at rekonstruksyon,” pahayag ni Albanese. “Ipinagkakanulo ng resolusyong ito ang mamamayang dapat nitong ipinagtatanggol.”

Aniya, nakapokus ang resolusyon sa pagdekomisyon ng mga armadong grupong lumalaban sa okupasyon sa Gaza. Wala itong probisyon na nakatuon sa pagtugon sa mga ugat ng armadong sigalot.

Kung magkakaroon man ng internasyunal na presensya sa Gaza, dapat ang tungkulin nito ay pamahalaan ang agaran at walang kundisyong pag-atras ng Israel sa mga teritoryo ng Palestine, aniya.

Sa Pilipinas, patuloy na nakiisa ang mga sumusuporta sa mamamayang Palestino sa kanilang pakikibaka sa sariling pagpapasya at laban sa imperyalistang agresyon at okupasyon ng US at Israel.

“Tinawag ni Trump na makasaysayang breakthrough (ang resolusyon). Tinawag naman itong ‘kapayapaan at kasaganaan’ ni Netanyahu. Ang tawag namin dito ay pagkukunwari at agresyon,” pahayag ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA).

Isa ang PPFA sa sumusuporta sa International People’s Tribunal for Palestine na nakatakdang magpanagot kay Trump at kay Netanyahu sa mga kasong genocide at ecocide. Nakatakda itong gawin sa Nobyembre 22-23 sa Barcelona, Spain.

Source link