Sa ngalan ng lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Eastern Visayas, lubos na nakikidalamhati ang Efren Martires Command sa pamilya at mga kaibigan ni Jason Grafil Padullo, ang 16-anyos na binatang inistraping hanggang mamatay ng pasistang militar sa Borongan City, Eastern Samar kamakailan. Nakikiisa kami sa inyong sigaw para sa hustisya at pagpapanagot sa 63rd Infantry Battalion, 802nd Infantry Brigade at 8th Infantry Division na responsable sa pagkitil sa buhay ni Jason. Kinikilala namin ang inyong tapang at lakas ng loob na isiwalat ang karahasan at kawalang-pananagutan ng AFP.
Nakagagalit na nagpapatuloy at walang napapanagot sa pang-aabuso ng militar sa mga magsasaka. Bago patayin si Jason ay pinaslang din ng mga sundalo ang tatlong magsasaka sa Catubig, Northern Samar, ang mag-ama sa Paranas, Samar noong Pebrero, isang magsasaka sa Palapag, Northern Samar noong Nobyembre 2024, isang 2-taong gulang na bata at kanyang lolo sa San Jose de Buan noong 2023, dalawang kabataan sa Catubig noong 2022, at marami pang iba. Gaya ni Jason, mga inosenteng tao din sila, ang ilan ay mga musmos at kabataan na pinaratangang “nanlaban” o “armado,” para makaligtas sa pananagutan ang pumaslang sa kanila. Hindi nila inaamin ang kanilang kasalanan bagkus ipinagmamalaki pa para sa pera at promosyon.
Sa pagpaslang kay Jason, layunin ng mga sundalo na itanim ang takot sa ating mga dibdib. Taliwas sa kanilang layunin, ang ginawa nila kay Jason ay lalong nagpalakas sa loob ng mamamayang Waraynon, laluna ng masang magsasaka, na ilantad at batikusin ang malupit na kalagayang dinaranas nila sa araw-araw sa ilalim ng pasistang militar. Batid ninyo na kung saan may presensya ng sundalo, walang ligtas sa kanilang mga punglo; itinututok ito sa sinuman upang maghari ang terorismo sa kanilang sinasakupan. Pinapatay maging ang mga taong “pinasuko” nila para gatasan ng kurakot, ang mga Pulang mandirigmang retirado na, at kahit mga sariling ahente o nakumbert na traydor na dahil wala nang pakinabang ay itinatapon nang parang basahan. Hindi na mabilang ang paglabag ng AFP sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas tuwing nag-ooperasyon sa mga sakahan, nagkakampo sa baryo, o ginagawang baraks ang bahay ng sibilyan sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP). Taliwas sa buladas ng AFP, sila ang numero unong lumalabag sa karapatang pantao at siyang tunay na terorista.
Sila rin ay hadlang sa kaunlaran sa kanayunan. Tuwing nagdedeklara ang militar ng “lockdown” hindi makapaghanapbuhay sa bukid ang masa. Limitado ang labas-pasok ng mga kalakal at hinahalungkat pa nila. Nagnanakaw sila ng alagang hayop o naninira ng pananim. Tinutulungan nila ang mga panginoong maylupa na kamkamin ang lupa ng maliliit na magsasaka. Higit sa lahat, sinasagkaan nila ang hangarin ng masa na tapusin ang kanilang kahirapan.
Sa mga lugar na kinikilusan ng BHB, minumulat at binubuklod nito ang masa sa tunay na ugat ng kahirapan at sa kanilang kagustuhang maigpawan ito. Tulung-tulong ang masa sa pagsasaka at pagtatrabaho, pinauunlad ang kanilang kabuhayan at kita, at tinitiyak ang kaayusan at katahimikan sa kanilang lugar. Kung saan may hukbong bayan namamagitan ito sa mga di-pagkakaintindihan sa baryo, nagpapayo, nagtataguyod sa karapatan ng kabataan at kababaihan, nagbibigay ng serbisyong medikal at edukasyon, at marami pang iba—lahat ito nang walang inaasahang kapalit. Hindi man perpekto ang BHB, hindi matatamasa ng masa ang mga ganansyang ito kung wala ang hukbong bayan.
Ang mga tagumpay na ito ng masa at BHB ang pilit na winawasak ng pasistang militar. Galit ang AFP sa BHB dahil gusto ng militar na manatiling mangmang, busabos at dukha ang masang magsasaka sa ngalan ng mga naghaharing uri. Malinaw na hindi ang presenya ng BHB ang humahadlang sa kanilang pag-unlad, ang nagpapahirap o lumalabag sa kanilang mga karapatan, kundi ang pesteng AFP na naghahari-harian sa kanayunan at nagtatanggol sa naghaharing bulok na sistema.
Ang tumitinding terorismo ng militar sa kanayunan ay lalong nagdidiin na walang ibang landas para sa masang magsasaka kundi ang landas ng pag-aarmas at paglahok sa digmang bayan. Ang digmaang isinusulong ng BHB sa buong kapuluan ay naglalayong pabagsakin ang naghaharing sistemang sumusupil at nagpapahirap sa mga magsasaka at malawak na masa.
Mula noon hanggang ngayon, ipinapangako ng BHB-EMC na magiging katuwang ninyo ang Pulang hukbo sa pakikibaka para sa hustisya hindi lamang sa ngalan ni Jason, kundi para sa lahat ng biktima ng pasistang militar at estado. At hindi lang sa pagkamit ng hustisya laban sa pasismo, kundi para makamit ang tunay na kaunlaran at kayapaan.
Nanawagan kami sa masang magsasaka ng Borongan, sa buong rehiyon at buong bansa, na magkaisa, magpakatatag at lumaban para sa buhay at karapatan. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang sarili nating lakas. Biguin ang pasismo ng estado, lumahok sa digmang bayan at makibaka hanggang sa tagumpay!
Hustisya para kay Jason Padullo! Hustisya para sa lahat ng biktima ng pasismo ng estado!
Suportahan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Ipagtanggol ang masang inaapi at pinagsasamantalahan! Isulong ang digmang bayan para sa tunay na hustisya at kapayapaan!