Nagdesisyon ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na itigil ang pagsasalong ng armas ng 14,000 mandirigma nito hanggang hindi naipatutupad ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ang maraming probisyon na dapat kasabay ng prosesong disarmament, demobilization at reintegration (DDR) at decommissioning o pormal na pag-atras at pagbubuwag ng mga kombatant nito.
Nakasaad ang desisyon sa resolusyon na inilabas ng Komite Sentral ng MILF sa regular na pulong na idinaos nito noong Hulyo 19. Isinapubliko ang resolusyon noong Hulyo 26, dalawang araw bago ang State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr. Walang binanggit si Marcos sa kanyang talumpati kaugnay dito o anumang usapin sa Bangsamoro. Wala ring tugon dito ang Office of the Presidential Adviser on the Peace, Unity and Reconciliation.
Ayon sa MILF, ang decommissioning ng mga pwersa at armas ay dapat na kasabay ng ibang hakbangin. Tinukoy nito ang pag-redeploy sa mga tropa at yunit ng AFP na nasa mga lugar ng MILF, gayundin ang pagbubuwag ng mga pribadong armadong grupo. Iginiit ng MILF na dapat isabay ang pagpapatupad ng mga sosyo-ekonomikong proyekto. Kabilang sa iba pang confidence-building measure, ayon sa MILF, ang pagsasaayos ng mga kampo, at amnestiya para sa mga kinasuhan o nahatulang nagkasala sa mga krimeng may kaugnayan sa armadong sigalot sa Mindanao.
Sa nakaraang mga taon, umaabot na sa 26,145 kombatant ng MILF ang na-decommission o tinanggal sa Bangsamoro Islamic Armed Forces, ang hukbo ng MILF. Ito ay 65% sa buong 40,000 armadong pwersa ng grupo. “Wala ni isa” sa kanila ang matagumpay na “nagtransisyon sa produktibong buhay sibilyan” dahil ang mga rekisito para rito ay hindi natupad, liban sa ibinigay na ₱100,000 kada mandirigma,” ayon sa MILF.
“Para maging totoo sa isinaad at diwa ng Annex on Normalization, ang kasunduang nagdedetalye sa proseso ng pagbuwag ng armadong lakas ng MILF, dapat munang magkaroon ng makabuluhang interbensyong sosyo-ekonomiko para sa mga kombatant na natukoy nang paatrasin bago isunod ang iba pang mga kombatant,” ayon sa resolusyon.
Pinirmahan ang pinal na kasunduan sa pagitan ng GRP at MILF noon pang 2014, sa ilalim ng rehimeng Aquino. Ang decommissioning ng mga mandirigma at pagsasalong ng mga armas ay pinangangasiwaan ng Turkey, Brunei at Norway.











