Kinundena ng mga progresibong grupo at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Pilipinas at iba’t ibang bansa ang walang batayang pagdetine ng 2nd ID kay Chantal Anicoche, isang aktibistang Filipino-American, sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal. Nanawagan sila para sa kanyang agarang pagpalaya at hustisya para sa mga biktima ng pambobomba sa Mindoro.
Pinalabas ng militar na “natagpuan” si Anicoche sa isang hukay malapit sa pinangyarihan ng engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan at militar sa Abra de Ilog, Mindoro noong Enero 1. Pitong araw ang lumipas bago siya inilitaw. Nakadetine siya sa kabila ng walang isinampang kaso laban sa kanya. Hindi siya pinahaharap sa kanyang abugado at mga grupo sa karapatang-tao.
Nagprotesta ang mga balangay ng Bayan at Migrante sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa US, Canada, London at Australia noong Enero 10 hanggang 19. Nagsagawa din ng online protest, petisyon, at talakayan hinggil sa sitwasyon sa Mindoro sa US at Canada. Sumuporta rin sa panawagan ang mga balangay ng Migrante sa Hong Kong, New Zealand, Europe, at Thailand at mga internasyunal na grupo para sa karapatang-tao.
Sa Pilipinas, nagprotesta ang mga progresibong grupo sa Department of Defense noong Enero 8 at 12, at sa Boy Scout Circle noong Enero 9 at 16. Dalawang beses nagprotesta ang mga grupo sa Camp Capinpin para dalawin si Anicoche noong Enero 10 ngunit hindi sila pinahintulutan. Sa halip, pinalibutan at hinaras sila ng mga aset paniktik ng militar.











