Mariing kinundena ng Amihan National Federation of Peasant Women and nagpapatuloy na operasyong militar at pang-aatake sa mga komunidad sa kanayunan ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ipinatutupad ang mga ito sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng rehimeng Marcos.
Noong Hulyo 31, hinulugan ng bomba ng mga elemento ng 8th ID ang komunidad ng mga katutubo sa Barangay San Isidro, Las, Navas, Northern Samar. Naglungsad din ng aerial bombing sa Barangay Maguibay, Tagkawayan, Quezon ang mga sundalo ng 16th IB noong Agosto 2.
Walang-awa namang pinaslang at pinaratangang myembro ng Bagong Hukong Bayan (BHB) ang magsasaka na si Juan Sumiling sa Barangay Naibuan, San Jose, Occidental Mindoro ng mg elemento ng 4th IB noong Agosto 1.
Sa tabing ng pagpapatupad ng kapayapaan sa kanayunan, pinalalakas ng NAP-UPD ang patuloy na presensya ng militar sa komunidad ng mga magsasaka na nagdudulot ng tumitinding paglabag sa karapatang-tao at kawalang pananagutan. Pinabagsik itong porma ng mga operasyon na unang ipinatupad sa panahon ng rehimeng Duterte sa kumpas ng AFP at huntang militar na National Task Force-Elcac.
Liban dito, inihayag ng tagapangulo ng Amihan National na si Zenaida Soriano na pinasisinungalingan ng mga operasyong militar ng AFP ang deklarasyon ng rehimeng US-Marcos na wala nang grupong gerilya sa bansa. Patuloy na ginagamit na sangkalan ng rehimen ang Bagong Hukbong Bayan para sakupin ang mga sibilyang komunidad at maghasik ng teror sa kanayunan.
Ayon sa Defend Peasant Women Campaign ng Amihan, target ng AFP ang kababaihang magsasaka at mga lider pesante na lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupa at sariling pagpapasya. Ang maigting na militarisasyon ay nagdudulot ng malawakang dislokasyon at kawalan ng hanapbuhay ng libu-libong magsasaka, mangingisda, at pamilya ng mga katutubo. Dagdag rito, nakararanas ang kababaihang magsasaka, mga bata at katutubo ng kawalan ng hustisya, takot, pagdurusa, ekstra-hudisyal na pamamaslang, iligal na pag-aresto at detensyon, pagsampa ng gawa-gawang kaso, Red-tagging, sapilitang pagpapasurender at hamleting ng kanilang mga komunidad.
“Tulad ni Duterte na kasalukuyang nakakulong, dapat managot ang rehimeng US-Marcos at kanyang mga alipures sa walang habas at lantarang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Dapat ring buwagin ang NTF-Elcac,” pahayag ng Amihan.
“Ang kailangan ng mga sambayanang Pilipino ay tuany na reporma sa lupa at hindi bomba,” pahayag ni Soriano.











