Ang Bayan Ngayon » Pagbisita ni US Secretary of State Marco Rubio, sinalubong ng protesta

Nagprotesta ang mga pambansa-demokratikong grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Pasay City noong Hulyo 22 para batikusin ang pagdalo ni US Secretary of State Marco Rubio sa pulong ng ASEAN Foreign Ministers sa Philippine International Convention Center. Pinigilan at dinahas sila ng mga pulis at tinangkang arestuhin ang ilang indibidwal, kabilang ang mga myembro ng midya.

Nasa Pilipinas si Rubio mula Hulyo 19-23 para sa isang upisyal na pagbisita at pakikipag-usap kay Ferdinand Marcos Jr. Ayon sa Bayan, hindi katanggap-tanggap sa mga Pilipino ang pagdating ni Rubio dahil isa siyang ahente ng imperyalistang agresyon at terorismo. Tinawag siyang “kriminal sa digma” ng grupo.

“Bilang pangunahing arkitekto ng patakarang panlabas ng pasistang rehimeng Trump, si Rubio ang isa sa pinaka-may pananagutan sa mga pang-aabuso sa karapatang-tao at hayag na paglabag sa pambansang soberanya at internasyunal na batas na dulot ng imperyalistang pakikialam at agresyon ng US,” pahayag ng Bayan.

Dagdag ng grupo, itinulak ng pakikipagpulong ni Rubio sa mga upisyal ng gubyerno ng Pilipinas ang pagpapatibay sa pagsisilbi ng Pilipinas bilang lunsaran ng gera ng imperyalismong US sa Asia Pacific. Pabibilisin rin umano nito ang itinutulak ng US na “economic security zone” na bahagi ng inisyatibang Pax Silica na dadambong sa kalikasan, magpapalayas sa mga komunidad ng Aeta at magsasaka, at magdudulot ng iba pang masasamang epekto.

Pagdidiin ng Bayan, ang pagdating ni Rubio sa Pilipinas ay simbolo ng lalong paglabag sa pambansang soberanya ng bansa, mas matinding pandaramboong sa ating likas na yaman, higit na pagpapalayas sa mga komunidad, at pagtindi ng pampulitikang panunupil sa bayan.

Marahas na pagbuwag, tangkang pag-aresto

Sa tapat pa lamang ng Aliw Theater sa labas ng Cultural Center of the Philippines Complex, tinangka nang buwagin ng mga pulis ang protesta. Nagtangka rin silang arestuhin ang ilang mga lider-masa at mga mamamahayag. Ilang raliyista ang nasugatan sa panggigitgit ng mga pulis.

Kabilang sa mga tinangkang damputin ang lider-Bangsamoro ng Moro-Christian Peoples Alliance at tumakbo sa pagkasenador na si Amirah Lidasan. Aniya, batid niyang tinarget siya ng mga pulis dahil isa siyang Muslim at nakasuot ng hijab sa pagkilos. Tinawag ito ni Lidasan na diskriminasyon laban sa kanya.

Samantala, iligal na ikinulong ng PNP Pasay City ang mamamahayag ng alternatibong midya na Bulatlat na si Jian Sanz. Bilang palusot, pinalabas ng mga pulis na “nireksyu” nila ang mamamahayag mula sa gitgitang protesta.

Tinangka ring damputin ng mga pulis ang mga photojournalist na sina Bullit Marquez at Renato Dilan na sinabi kalaunan na isang “honest mistake” o hindi sinasadyang pagkakamali. Ayon kay Marquez, hinarang siya at aktong arestuhin habang kinukunan niya ng larawan ang tangkang pag-aresto kay Lidasan.

Malawakang kinundena ng mga organisasyon sa midya ang pandarahas ng ilan sa kanila. Ayon sa National Union of Journalist of the Philippines at Photojournalists’ Center of the Philippines, hindi tama at nararapat ang ginawang pagtrato ng mga mga pulis sa mga mamamahayag. Nanawagan sila ng masusing imbestigasyon sa insidente.

Source link