Pagbasura ng korte sa petisyon ng mga mangingisda kontra demolisyon ng tahungan, kinundena

Ibinasura kamakailan ng Navotas Regional Trial Court (RTC) ang sa petisyong isinampa ng apektadong mga residente noong Hunyo 2024 na kontra demolisyon ng tahungan sa syudad. Kinundena ito ng mga residente at mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas. Nagsampa sila at kanilang mga abugado ng motion for reconsideration noong Agosto 27 para baligtarin ng korte ang desisyon nito.

Ang naunang petisyon kontra sa demolisyon ay isinimute ng mga residente at mangingisda para ipatigil ang demolisyon ng lokal na gubyerno sa kanilang mga tahungan at baklad. Hiniling ng 400 petisyuner sa korte na maglabas ng writ of preliminary injunction at temporary restraining order (TRO) laban sa demolisyon.

Dagdag dito, nanawagan rin sila sa korte na itulak ang lokal na gubyerno na pahintulutan ang mga mangingisda na makakuha ng permit para maibalik ang mga tahungan at baklad na dinemolis.

Libu-libong mga mangingisda, manggagawa at manininda sa syudad ang nawalan ng kabuhayan dahil sa demolisyon sa higit 200 tahungan sa baybayin sa Navotas City. Nagsimula ang demolisyon noong Marso 2024, saklaw ang mahigit anim na kilometrong haba at tatlong kilometrong lapad ng tahungan.

Malaon nang giit ng Pamalakaya-Navotas na ipinatupad ng lokal na gubyerno ang demolisyon para bigyang daan ang 650-ektaryang Navotas Bay Reclamation Project. Ang proyekto ay isinusulong ng lokal na gubyerno at ng kasosyong Argonbay Construction Company, subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.

Ayon Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA), abugado ng mga petisyuner, labag sa batas at karapatan ng mga mangingisda para sa wastong proseso ang pagtanggi ng lokal na gubyerno na tumanggap ng bagong aplikasyon para sa permit ng tahungan. Anito, tinanggihan sila ng lokal na gubyerno kahit na kumpleto ang kanilang mga dokumento.

“Dapat tanggapin at iproseso ng pamahalaang lungsod ang aming mga permit para sa tahungan. Sa patuloy na pagkakait nila nito sa amin, inaagawan kami ng kabuhayan at malinaw na binubuksan ang daan para sa proyektong reklamasyon,” pahayag ni Romel Escarial, presidente ng Pamalakaya-Navotas at isa sa mga petisyuner.

Nanawagan si Escarial sa Navotas RTC na tumindig sa hanay ng mga mangingisda at muling balikan ang mga makatwirang batayan ng kanilang petisyon. “Nanawagan kami sa mga mangingisida na magkaisa upang igiit ang karapatan sa pangisdaan at ipatigil ang mga mapaminsalang proyektong reklamasyon,” dagdag niya.

Source link