Noong Hunyo, upisyal na inanunsyo ng gubyerno ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang pagbasura sa Kafala System, bilang bahagi ng Vision 2030 ng Crown Prince Mohamemmed bin Salman, programa ng gubyerno para modernisasyon ng bansa.
Ang Kafala system ay isang ligal na balangkas na ginagamit ng mayorya ng mga bansa na bahagi ng Gulf Cooperation Councils (GCC), tulad ng KSA, Jordan at Lebanon, kung saan tinatali ang residency visa at ligal na istatus ng migrante sa kanyang employer o amo (tinatawag na kafeel). Ang sistema na ito ang naglilikha ng mapang-abuso na relasyon sa pagitan ng amo at kanyang manggagawa dahil pinapalaganap nito ang pagturing na alipin sa mga migranteg manggagawa o ‘modern-day-slavery’.
Sa ilalim ng sistema na ito, hindi pwedeng magpalit ng amo ang manggagawa, umalis sa bansa nang hindi pinahihintulutan ng kanyang amo at humingi ng ligal na rekurso kapag inabuso. Nasa 28 milyon migrante ang nakapailalim sa sistema na ito, karamihan ay mula sa India, Bangladesh, Nepal, Pakistan at Pilipinas.
Ayon sa Migrante Middle East, bagamat inanunsyo ng KSA na nabasura na ang sistema, walang naging pagbabago sa aktwal na kundisyon at kalagayan ng mga migrante alinsunod sa kanilang pananaliksik. Sa praktika, nanatiling nakatali ang mga migrante sa kanilang employer at mas pabor parin sa mga employer ang mga patakaran.
“Ang ganitong ‘pagbabago’ sa batas para sa mga migranteng manggagawa ay hindi na bago, may ganito rin na ligal na pagsasaayos sa United Arab Emirates at Oman. Bagamat may naobserbahan na bahagyang pagbabago, marami pa ring butas ang batas at sa pagpapatupad nito, kaya’t nanatili pa ring bulnerable ang mga migrante sa pang-aabuso,” paliwanag ng grupo.
“Sa kabuuan, wala kaming nakikitang dahilan para umasa sa mga sinasabing reporma. Ito ay superpisyal lamang na pagbabago, binago ang termino ngunit hindi binago ang laman. Ang naka-ugat na sistemang kafala sa kultura sa mga bansa, limitadong proteksyon para sa mga manggagawa, hindi sapat na pamantayan sa sahod at mapanupil na kasanayan sa pamamahala ay patuloy na sumisikil sa karapatan at dignidad ng mga migranteng manggagawa sa bansa,” pahayag ng grupo.











