Pagbabawal ng BuCor sa tagapagsalita ng Kapatid, binatikos

Mahigpit na kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao ang Bureau of Corrections (BuCor) sa ginawa nitong pagbabawal kay Fides Lim, tagapagsalita ng grupong Kapatid, na makapasok sa mga kulungang nasa hurisdiksyon nito. Ayon sa Karapatan, labag ito kapwa sa lokal at internasyunal na mga batas, na nagtitiyak ng karapatan ng mga bilanggo na mabisita at mabigyan ng sapat na pagkain at atensyong medikal.

Tinawag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, ang pagbabawal bilang “di katanggap-tanggap at di produktibo” na hakbang, lalo’t inamin mismo ang BuCor na hindi ito nakapagbibigay ng sapat na pagkain at iba pang mga pangangailangan sa mga bilanggo.

Isa si Lim sa aktibong nangangalap at naghahatid ng makataong ayuda at nakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga bilanggo sa gitna ng napababalitang pagpapabaya at abuso sa loob ng New Bilibid Prision at iba pang kulungan. Ang kanyang asawa na si Vicente Ladlad, konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ay isa sa daan-daang mga bilang pulitikal.

Ani Palabay, ang pagbabawal kay Lim ay makapipinsala sa interes ng mga bilanggong pulitikal at iba pang nakakulong na matagal na niyang pinagsisilbihan. Aniya, dapat tanggalin na ng BuCor ang pagbabawal alang-alang sa kapakanan nila.

Kinundena ni Lim ang pagbabawal sa kanya at sinabing ito ay isang hakbang para patahimikin ang mga kritisismo sa pagpapatakbo ng bilangguan at parusahan ang nagsisiwalat ng katotohanan. Aniya, wala siyang nilabag na batas, at palagian siyang sumusunod sa nararapat an proseso.

Nakatuon ang kanyang pagtutol sa mga iligal na pamamaraan ng BuCor tulad ng nakapanghihiyang mga strip search. Nanawagan siya sa Department of Justice at Kongreso na imbestigahan ang BuCor, kabilang ang mga mapaghiganting mga patakaran nito at papanagutin ang ahensya sa paglabag nito sa mga karapatang-tao at internasyunal na mga pamantayan.

Sa kabila ng pagbabawal, patuloy ang pagsisiwalat ni Lim at ng Kapatid sa di makataong pagtrato sa mga bilanggo sa mga kulungan. Patuloy din nilang isinusulong ang ligal na mga remedyo para mapalaya ang may sakit, matatanda at matagal na sa kulungan.

Source link