Organisador ng magsasaka sa Camarines Norte, dinampot ng 16th IB

Dinakip ng mga sundalo ng 16th IB si Faye Margarette Tallow, isang organisador ng mga magsasaka, sa Barangay Malibago, Labo, Camarines Norte noong Setyembre 4. Ayon sa pabatid ng Karapatan-Bicol, nireyd ng militar ang bahay na tinutuluyan ni Tallow at doon siya dinampot.

Dalawang araw makalipas ang insidente, sinabi ng grupo na hindi pa natutunton ang kinaroonan ni Tallow. Nangangamba ang grupo at mga komunidad ng mga magsasakang inoorganisa ni Tallow para sa kanyang kaligtasan laluna at batid nila ang kalupitan ng 16th IB na pinamumunuan ni Lt. Col. Warren Daroy.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, karaniwang modus ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagdakip at iligal na pagdetine sa mga aktibista at organisador sa walang malinaw na batayan. Naitala rin sa tatlong taon ng rehimen ang hindi bababa sa 15 biktima ng maruming taktika ng sapilitang pagkawala.

Si Tallow ay dating estudyante ng College of Media and Communication (CMC, dating College of Mass Communication) sa University of the Philippines-Diliman. Nagsilbi siyang tagapangulo ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights (STAND) UP-CMC.

Sa unibersidad, pinangunahan ni Tallow ang iba’t ibang kampanya ng mga estudyante sa loob ng CMC tulad ng pagbasura sa mapanupil na Faculty Student Relations Committee (FSRC) Manual. Kabahagi rin siya sa pagbubuo ng malakas na pagkakaisa para ibasura ang Socialized Tuition System sa UP. Matikas ring nanindigan si Tallow para sa kalayaan sa pamamahayag.

Source link