Pormal nang inilunsad at binuksan ang Jose Maria Sison (JMS) Legacy Museum sa Utrecht sa The Netherlands noong Setyembre 19. Pinangunahan ang pagbubukas ng museo ng byuda at kapwa-rebolusyonaryo ni Ka Joma na si Julie de Lima, kasama ang ilang mga lokal na upisyal ng syudad.
Ang JMS Legacy Museum ay isang espasyo na magtatampok sa buhay at mga pamana ni Ka Joma. Ang museo na pinangangasiwaan ng JMS Legacy Foundation ay inaasahang magbibigay inspirasyon at lilikha ng kuryosidad sa mga susunod na henerasyon.
Ayon sa Foundation, masusulyapan sa museo ang buhay ni Ka Joma bilang isang matapat na rebolusyonaryo, tunay na internasyunalista, iginagalang na intelektwal, at kilalang makata. Makikita rito ang ilang mga bidyo ng huling panayam ni Ka Joma, kanyang mga larawan, dokumento at iba pa.
Napuno ang museo sa pagbubukas nito na dinaluhan ng kapwa mga nakababata at nakatatandang mga aktibista, mga tagahanga, mga kasama at kaibigan. Inikot sila sa museo at binigyan ng tour ng mga tagapangasiwa. Pinasinayaan din ang isang tanong-sagot kung saan nagkaroon ng mga talakayan sa mga itinampok sa eksibit.
“Matagal nang hangad ng JMS Legacy Foundation ag pagbubukas ng isang museo mula pa nang nasimulan ito. Para sa lahat ang JMS Legacy Museum,” pahayag ni de Lima sa pagbubukas ng museo.
Pagbabahagi ni Dr. Mario Fumerton, katuwang na propesor sa Center for Conflict Studies sa University of Utrecht, labis ang sigla ni Prop. Sison nang nabubuhay pa sa pagtatalakay sa mga kabataan at estudyanteng Dutch hinggil sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino at pangangailangan para sa panlipunang pagbabago. Madalas na imbitahan ni Dr. Fumerton si Prop. Sison para magsalita sa kanyang mga klase sa unibersidad.
“Labis na minahal at nirespeto si Sison ng komunidad ng migranteng Pilipino sa the Netherlands,” ayon kay F. den Hollander, isang artistang Dutch at matagal nang aktibista ng nakikiisa sa pakikibaka ng mga Pilipino.
Ayon sa Foundation, hindi lamang binago ng mga pamana ni Ka Joma ang landas ng kasaysayan ng Pilipinas dahil tampok dito ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya kundi patuloy itong nagbibigay inspirasyon at impluwensya sa mga progresibo at rebolusyonaryong kilusan sa buong mundo.
Sa pagtatapos ng paglibot ng mga panauhin sa museo, sama-sama nilang kinilala at piangpugayan si Ka Joma sa pagsigaw ng “Ka Joma Lives!”
Ayon sa Foundation, bukas ang museo para sa mga nais pumunta at bumisita. Sisimulan nila ang mga “guided tour” sa darating na Oktubre. Maaari rin umanong magsagawa ng mga pribadong tour sa museo sa pakikipag-ugnayan sa Foundation.











