Nakatakdang lumayag ang Global Sumud Flotilla (GSF) mula Asia, Tunisia, at iba’t ibang daungan sa Mediterranean tungo sa Gaza ngayong Agosto hanggang Setyembre. Layunin nitong magtatag ng isang humanitarian sea corridor, isang ligtas na daluyan ng makataong ayuda at suporta sa karagatan patungong Gaza.
Ang pagkilos na ito ay tugon sa lumulubhang kalagayan ng malawak na kagutuman at sakit sa Gaza bunga ng magtatatlong taon ng henosidyo ng Zionistang estado ng Israel sa teritoryo ng mga Palestino. Hangarin din nitong itampok sa buong daigdig ang nagpapatuloy na brutal na henosidyo ng US-Israel laban sa mamamayang Palestino. Higit sa 44 bansa ang nakatakdang lumahok sa tinuturing na pinakamalaking flotilla sa kasaysayan ng pandaigdigang pagkilos para sa Gaza.
Sa Asia, nakatakdang lumahok sa paglalayag sa Agosto 23 ang hindi bababa sa 10 aktibistang Moro. Tinawag na Sumud Nusantara Asian Flotilla, lalahot sa flotilla mula sa Asia ang mga mamamayan mula sa Indonesia, Malaysia, at Pakistan. Pamumunuan ng MyAqsa Defenders at Cinta Gaza mula Malaysia ang delegasyon, dala ang suporta ng Aqsa Working Group at iba pang organisasyon sa Indonesia.
Inaasahang pitong barko, kargado ng pagkain, suplay medikal, at iba pang batayang pangangailangan, ang maglalayag mula Malaysia sa Agosto 23. Kabilang sa mga sasampa sa barko ang mga lider-Moro, manggagawa sa midya, at mga influencer upang higit pang palakasin ang panawagan para sa hustisya ng sambayanang Palestino.
Ayon sa Sumud Nusantara, ang flotilla ay hindi lamang daluyan ng ayuda kundi isang simbolo ng pagbubuklod ng mamamayan upang hamunin ang halos 18 taong blokeyong ipinataw ng US sa Gaza. Handa ang mga kalahok na humarap sa bantang karahasan at legal na panggigipit kapalit ng kanilang misyon.
Itinatag ang GSF noong Hulyo 2025 upang konsolidahin ang mga pagsisikap ng Freedom Flotilla Coalition, Global Movement to Gaza, Maghreb Sumud Flotilla, at ngayon ay ng Sumud Nusantara Asian Flotilla.
Bukod sa paghahatid ng tulong, sinusuportahan din nito kalayaan, dignidad, at karapatang magpasya para sa sarili ng mamamayang Palestino. Higit sa 6,000 aktibista, kabilang ang mga doktor, abugado, mamamahayag, at tagapagtanggol ng karapatang-tao, ang nagpahayag ng suporta at lalahok sa inisyatiba.
Sa wikang Arabo, ang salitang “sumud” ay nangangahulugang “katatagan”, isang batayang katangian ng pagkakakilanlan at paglaban ng mga Palestino.











