Naglunsad ng piket-protesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa mga pampublikong ospital sa Metro Manila noong Hunyo 13 para muling ipanawagan ang pagbibigay ng kanilang alawans, kabayaran sa benepisyo at dagdag-sweldo. Ang pagkilos ay inilunsad ng mga unyon sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW).
Nagsagawa ng maiksing programa ang mga unyon sa Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines at Philippine Children’s Medical Center. Partikular na iginiit ng mga unyon ang cash medical allowance, agarang pagbabayad sa performance based-bonus para sa 2021-2023, at health emergency allowance para sa mga pribadong ospital at mga pinatatakbo ng LGU.
Dagdag dito, binatikos ng AHW ang kabiguan ng rehimeng Marcos na ipasa ang panukalang batas na nagtutulak ng dagdag sahod sa buong bansa sa lahat ng mga manggagawa. Noong nakarang linggo, pinatay ng Senado at House of Representatives sa bicameral conference ang panukalang ₱100-₱200 dagdag sahod.
Ayon sa grupo, malaking kataksilan ito sa milyun-milyong manggagawang mababa ang sinasahod, laluna sa mga manggagawang pangkalusugan na dumaranas ng hirap at hindi makataong kundisyon sa paggawa. Pagdidiin nila, tahasan itong pagtalikod sa interes at kagalingan ng manggagawang Pilipino.
Nanawagan ang AHW sa gubyerno na itaas ang sahod batay sa aktwal na pangangailangan at kalagayan ng mga kawani ng gubyerno. Isinusulong nila ang ₱33,000 entry salary para sa mga manggagawang pangkalusugan at ₱50,000 entry salary para sa mga nars at allied health professional.
“Habang patuloy na hinahambalos ang bansa ng lumalalang krisis sa pulitika at nagsasayang ng pondo ng bayan ang mga upisyal ng gobyerno, at pinoprotektahan ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang mga kaalyado sa halip na tiyakin ang pananagutan, ang mga manggagawang pangkalusugan ay patuloy na sumisigaw sa lansangan [at hindi pinakikinggan] upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kapakanan, at karamihan sa mga Pilipino ay patuloy na hindi nabibigyan ng akses sa libre at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan,” pahayag ni Bonifacio Carmona Jr, pambansang pangulo ng AHW.