Mga manggagawang pangkalusugan, nangalampag sa rehimeng Marcos sa Araw ng mga Bayani

Naglunsad ng protesta ang mga manggagawang pangkalusugan at kanilang unyon sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW) noong Agosto 25 sa Mandaluyong City para kalampagin ang rehimeng Marcos. Itinaon nila ang pagkilos sa paggunita sa Araw ng mga Bayani, laluna at binabansagan ang mga manggagawang pangkalusugan bilang isa sa mga makabagong bayani sa bansa.

Pinuna ng grupo ang Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) dahil sa kainutilan ng mga ito na tugunan ang kahingian ng mga manggagawang pangkalusugan. Kinastigo rin ng AHW ang kamakailang pahayag ni Marcos Jr na hinihikayat ang mga manggagawang pangkalusugan na magpatuloy at maglingkod sa bansa bilang mga makabagong bayani.

“Kung tunay na nais ng gobyerno na manatili ang mga manggagawang pangkalusugan ng Pilipino, dapat nitong lampasan ang mga pangako at tugunan ang kanilang matagal nang mga kahilingan,” ayon sa AHW. Anang grupo, habang nilulustay ang bilyun-bilyong pondo sa mga kahina-hinalang proyekto ng gubyerno, katiting ang inilalaan para sa sistemang pangkalusugan sa bansa.

Panawagan ng AHW sa rehimeng Marcos ang pagbibigay sa matagal nang naantalang mga benepisyo, mababang sweldo, pagtugon sa lubhang kulang na tauhan sa mga ospital at mas mataas na badyet sa sektor ng kalusugan. “Sa kabila ng mga sakripisyo [ng mga manggagawang pangkalusugan] noong pandemya at matapos nito, kinalimutan na ang ating makabagong mga bayani,” pahayag ng AHW.

Matagal nang iginigiit ng mga manggagawang pangkalusugan sa DBM ang agarang pagbibigay ng naantalang Performance-Based Bonus (PBB) para sa 2021 hanggang 2023. “Ang pagkaantala nito ay hindi makatarungan at nakakademoralisa, laluna para sa mga manggagawang pangkalusugan na walang-palya sa paglilingkod,” pahayag ni Reynaldo Villamater, tumatayong presidente ng National Center for Mental Health Employees Association-AHW.

Liban dito, hiling ng AHW na ibigay sa porma ng pera ang ₱7,000 medikal na alawans at huwag nang buwisan. Itinutulak ng grupo ang ₱36,000 entry salary para sa mga mga manggagawang pangkalusugan na nasa pribado at publikong sektor, at ₱50,000 entry salary para sa mga nars at iba pang propesyunal pangkalusugan.

Ilang araw bago nito, nagsagawa ng pagkilos ang mga kasapi ng AHW sa Quezon City upang itampok ang kanilang mga panawagan. Lumahok sa protesta ang mga unyon mula sa Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, at Philippine Children’s Medical Center.

Source link