Ang Bayan Ngayon » Mga manggagawa sa Southern Tagalong, kinundena ang korapsyon sa NLRC at DPWH

Nagprotesta ang mga manggagawa mula sa grupong Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) sa tapat ng National Labor Relation Commission (NLRC) Regional Arbitration Branch No. 4 noong Nobyembre 17. Kinukundena nila ang mabagal at hindi makatarungang desisyon ng ahensya sa mga kaso hinggil sa seguridad sa trabaho ng mga manggagawa.

Kasabay ng protesta ang pagdinig ng ahensya sa mga kaso ng iligal na tanggalan.

Sa protesta, isiniwalat ng mga manggagawa ang korapsyon ng NLRC, tulad ng pagtanggap ng mga pagkain at regalo ng mga tagapamagitan sa kaso mula sa mga kapitalsita. Anito, isa lamang ito sa mga nangyayaring korapsyon sa pambansang gubyerno.

Kasama sa dinidinig sa NLRC ang mga kaso ng mga manggagawa mula sa Lazada, Shopee, KARELAI, NEXPERIA, PILA, PLUS, FORGENS, JP MARSAN, DEKALIBER, GLOBAL, DO1 at Coke.

Matapos ang programa sa NLRC, nagtungo ang mga manggagawa sa tapat ng regional office ng Department of Public Works and Highways (DPWH IV-A) para kundenahin ang malawakang korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon sa mga manggagawa, dumaranas ang mga komunidad sa rehiyon ng malalang pagbaha sa kabila ng bilyun-bilyong inilalaan ng kagawaran para sa proyektong imprastraktura at flood control. Pinakamalala ng pagbaha ang mga bayan ng Biñan, Sta. Rosa, Calamba, at San Pedro sa Laguna, bayan ng Bacoor, Tanza, Naic, Rosario, at Cavite City sa Cavite, at sa Oriental Mindoro.

Ayon sa isinawalat ng blokeng Makabayan, nasa 144 na proyekto na bahagi ng ‘insertion’ ni Marcos Jr. ay napunta sa Southern Tagalog, na umabot sa halagang mahigit P28 biyon para sa taong 2025.

Sa pagtatapos ng programa, nag-imbita ang mga manggagawa para sa susunod na pagkilos sa darating na Nobyembre 30, bilang bahagi ng paglaban sa korapsyon at burukrata-kapitalismo.

Source link