Nagprotesta sa harap ng tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga marino na iligal na pinadeport ng gubyerno ng US noong Nobyembre 19. Kasama nila sa pagkilos ang International Seafarers Action Center (ISAC) at Migrante International.
Kasabay ng protesta ay nakipagdayalogo ang mga marino kina Assistant Secretary (Asec) Jerome Pampolina at Asec Augusto San Diego ng DMW upang ipaliwanag ang kanilang dinanas na inhustisya sa iligal na deportasyon ng US.
Hinamon ng mga marino ang mga upisyal ng DMW na ipagtanggol ang kanilang karapatan at aksyunan ang di makatarungang pagtatanggal sa kanila ng mga manning agencies. Nagpahayag ang mga upisyal na ipatatawag nila ang kinatawan ng mga ahensyang ito para sa isang dayalogo kasama ang mga marino sa unang linggo ng Disyembre.
Mahigit 100 Pilipinong marino ang iligal na pinadeport ng gubyerno ng US mula pa nakaraang taon. Pinaratangan silang nagmamay-ari ng bidyu ng child pornography sa kabila ng kawalan ng ebidensya at masusing imbestigasyon. Noong Setyembre, arbitraryong kinansela ng embahada ng US ang visa ng mga marino na paalis pa lamang ng bansa. Dahil dito, lahat ng mga marino na natanggalan ng visa ay na ‘blacklist’ ng mga manning agencies at hindi na binigyan ng panibagong ‘assigment’ o trabaho.
Ang marahas na pagtugis at iligal na deportasyon sa mga migrante sa US ay bahagi ng anti-migranteng polisiya ng rehimeng Trump.











