Mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela, kinukundena ang pagsikil sa kanilang malayang pamamahayag

Bumuhos sa online ang pagkundena ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela (PVL) sa pagsikil sa kanilang karapatan sa malayang pamamahayag ng administrasyon ng pamantasan.

Ayon sa mga estudyante, pinagbabawalan sila ng pamunuan ng pamantasan na maglabas ng pahayag sa social media tungkol sa kanilang saloobin hinggil sa mga isyu sa loob ng pamantasan, maging tungkol sa pulitika at korapsyon. Gumagamit din ng red-tagging ang mga nasa pamunuan upang takutin ang mga estudyante.

Lalong umigting ang galit ng mga kabataan nang pinagbawalan silang mag-post ng kanilang paglahok sa malawakang protesta laban sa korapsyon noong Setyembre 21. Sa takot ng mga estudyante na ma-red-tag, madawit ang pangalan nila sa Office of Student Affairs, at matanggal sa pamantasan, binura nila ang kanilang mga post. Maging ang mga guro sa pamantasan ay sinisikil ang kanilang karapatan sa pamamahayag. Baluktot na katwiran ng mga pamunuan ng pamantasan, ayaw raw nilang madungisan ang pangalan ng institusyon.

Dagdag dito, talamak ang korapsyon sa loob ng pamantasan sa porma ng sapilitang pagpapabili ng mga gamit para sa kanilang subject na NSTP. Anila, obligado silang bumili ng bagong libro na nagkakahalaga ng P600 at t-shirt na may halagang P450. Bawal din ang humiram ng lumang gamit.

Wala ring publikasyon ang mga estudyante.

Noong Setyembre 23, sunud-sunod na naglabas ng pahayag ng pakikiisa para sa malayang pamamamahayag sa pamantasan at pagkundena sa pasikil sa kanilang karapatan ang Valenzuela Information Technology Society, PLV Cultural Dance Troupe, PLV-Red Cross Youth Council, Union of Public Administration Students, at Supreme Student Council.

Nagpahayag din ng pakikiisa sa laban ng mga estudyante ang mga Sangguniang kabataan ng barangay Parada, Ugong, Poblacion, Coloong, Isla, Karuhatan, Tiburcio De leon, Malinta, Punturin, Pasolo, Parada, Wawang Pulo, Rincon, Bagbaguin, Marulas, Dalandanan, Bignay, Malanday at Angat Kabataan Valuenzuela.

Nanawagan naman ng dayalogo ang SK Federation of Valuenzuela City sa Presidente ng PLV, Direktor ng NSTP Department at Officer in Charge ng Office of Student Affairs para talakayin ang hinaing ng mga estudyante.

Nagpahayag din ng pakikiisa ang Anakbayan-Our Lady of Fatima University. Anito, dapat mahigpit na magkaisa ang mga estudyante upang labanan ang pagsikil sa kanilang karapatan.

Source link