Ang Bayan Ngayon » Mga drayber at opereytor sa Baguio, nawalan ng kabuhayan sa palpak na programang modernisasyon

Hirap at perwisyo ang inabot ng mga drayber at opereytor ng “modernong dyip” matapos magsara ang Cordillera Basic Sectors Transport Cooperative o CBSTC noong Oktubre. Tinanggihan ng konseho ng syudad ng Baguio na bigyan ang kooperatiba ng akreditasyon, o pahintulot na mamasada. Binabagtas ng kooperatiba ang rutang Trancoville at Aurora Hill.

Sa pahayag ng Piston-Baguio, iniulat nitong nawalan ng akreditasyon ang kooperatiba dahil sa hindi maayos na pamamalakad. Madalas itong magsuspinde ng mga byahe nang walang abiso sa publiko. Naging pabaya ito sa pinansya, di nagsumite ng tamang mga dokumento at lumabag sa sariling mga tuntunin. May mga alegasyon din ng korapsyon laban sa tagapangulo nito.

Reklamo ng mga drayber ng CBSTC, hindi sila nasasahuran mula sa kita ng kooperatiba. Naremata ang 38 na yunit ng “modernong dyip” dahil sa hindi nababayarang ₱69 milyong pagkakautang sa bangko, na lumobo na sa ₱114 milyon dahil sa interes.

Huwad na modernisasyon

Sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at pekeng kooperatiba tulad ng CBSTC ang resulta ng Public Transport Modernization Program sa Baguio. Hindi ito nagdulot ng modernisasyon at sa halip ay pinabilis ang jeepney phase-out at pagkawala ng kabuhayan ng maraming drayber sa syudad.

Perwisyo sa mga pasahero ang huwad na modernisasyon. Dahil nabawasan ang mga dyip na namamasada, naghirap ang mga empleyado at estudyante sa mahahabang pila tuwing rush hour. Mas mataas rin ang pamasahe sa mga minibus na ipinampalit sa mga tradisyunal na dyip.

Ayon sa Piston-Baguio, “tunay na kooperatibismo” ang sagot sa huwad na modernisasyon.

“Alalahanin natin ang sistema ng mga JODA o Jeepney Operators and Drivers Association na maayos na nakapagpalago ng samahan ng mga tsuper at operator bago pa ipilit sa atin ang mga pekeng kooperatiba,” anito.

Sa nakaraan, malayang nakapag-aambag ang mga myembro ng tulong ayon sa kakayahan at nakakatanggap ng benepisyo ayon sa pangangailangan. Hindi sapilitan ang pagsali sa mga samahan. Dumadaloy ang mga proseso ng demokrasya at hindi basta-basta nabubuwag ang diwa ng samahan ng mga JODA, anito.

Mula 2024 hanggang gitna ng 2025, di bababa sa 38 kooperatiba ang nalugi at di nakapagbayad ng mahigit ₱5 bilyon nilang pagkakautang. Noong Agosto, lubusang itinigil ng Development Bank of the Philippines ang pagpapautang para sa PTMP dahil sa dami ng di makapagbayad na kooperatiba. Noong Oktubre, inamin ng LTFRB ang di maayos na paggamit ng pondo bilang isa sa mga dahilan ng kapalpakan ng programa.

Source link