Mga barangay sa San Jose Del Monte sa Bulacan, mahigit dalawang linggo nang walang tubig

Mahigit dalawang linggo nang iniinda ng mga residente ng San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan ang kawalan ng serbisyo sa tubig sa kanilang mga barangay. PrimeWater, kumpanyang pag-aari ng pamilyang Villar, ang nagsusuplay ng tubig sa syudad.

Maliban rito, inalmahan din ng mga residente ang pahayag ni Cynthia Villar na hindi umano kumikita nang malaki ang PrimeWater. Hugas-kamay pa ito sa kainutilan ng kanyang kumpanya sa hinaing ng mga residente ng SJDM.

Pagdadahilan ni Villar, may mga bayan na “matataas talaga” tulad ng SJDM kaya hirap daw umakyat ang tubig. “So hindi lahat yan kasalanan ng nagpo-provide ng water,” aniya.

Kabi-kabilang batikos ang inabot ng pahayag na ito ni Villar. Isang residente ang tumawag sa kanya na “makapal ang mukha” dahil kahit walang tulo ang kanyang gripo, siningil siya ng ₱800 ng PrimeWater. Hinamon naman ng iba ang mga Villar na kung hindi kumikita ang PrimeWater sa SJDM ay umalis na lamang ito sa syudad.

May mga residente sa Camella Homes sa Bulakan, Bulacan ang nagsabit na ng tarpolin sa labas ng kanilang bahay na may mga panawagan bilang protesta sa palpak na serbisyo ng PrimeWater. Nakasaad dito ang ilang panawagan tulad ng “Tubig Nau-Busan. Primewater Ano na?” at “Ang kalsada may tubig, pero ang gripo namin ay wala. #GanitoKamiSaCAMELLA.”

Dahil sa sitwasyon, naobliga na ang Kaypian Elementary School na bumili ng tatlong malalaking container para makapag-imbak ng tubig para sa 2,680 na mag-aaral. Nagpapatulong na rin ang eskwelahan sa magulang ng mga estudyante sa pag-iigib ng tubig.

Ayon sa Ibon Foundation, taliwas sa sinabi ni Villar, higit pa sa doble ang kinita ng PrimeWater mula nang palawakin ang operasyon nito sa mahigit 160 distrito at munisipalidad sa buong bansa. Lumago ang netong kita nito mula ₱196 milyon noong 2017 tungo sa ₱1.18 bilyon noong 2023.

Pahayag ni Leo Espelimbergo, tagapagsalita ng Water for the People Network (WPN) at residente ng SJDM, mula nang magsimula ang Joint Venture Agreement (JVA), naging malabo ang tubig mula sa gripo at humina ang suplay ng tubig sa kanilang lugar, na karaniwang dumadaloy lamang tuwing oras ng tulog.

Malala pa, itinaas ng PrimeWater ang singil nito sa tubig mula sa ₱200 kada 10 cubic meters (cu. m.) na minimum na konsumo at ₱27 kada karagdagang cu. m., naging ₱212 kada 5 cu. m. na minimum na konsumo at ₱41 kada karagdagang cu. m. Dahil dito, halos doble ang naging bayarin sa tubig, na hindi na kayang bayaran ng mga residente ng SJDM na kalakhan ay mga magsasaka, mala-manggagawa, at maliliit na negosyante.

Panawagan ng mga residente, gawin nang libre ang singil sa tubig ngayong buwan dahil mahigit dalawang linggo naman nang di nagbibigay ng serbisyo ang kumpanya.

Source link