Binabati ng NDFP ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan sa ika-4 na Pambansang Kongreso ninyo ngayong Oktubre 2025.
Labis na napapanahon ang paglulunsad ng inyong kongreso ngayong nasasaklot ang bayan natin sa panibagong pagtindi ng krisis pang-ekonomya at pampulitika. Bagamat alam nating tuluy-tuloy naman talaga ang krisis ng ating lipunan, ang mga pangyayari nitong kagyat na nakaraan ay nagbabadya ng higit pang malalaking pagbabago sa kalagayan ng mamamayan at ng kanilang kilusan.
Kitang-kita natin ang garapalang pangwawalanghiya ng estado sa karapatan ng mamamayan, ang pandarambong nito sa pinaghirapan ng masa na napupunta sana sa mga makabuluhang serbisyong panlipunan na matagal nang napapabayaan at pagpapaunlad ng ekonomya ng bansa para makatulong sa pag-angat ng masa mula sa kahirapan.
Nakita natin ang paghugos sa kalsada ng daan-libong mamamayan, ang pagsambulat ng galit sa korapsyon, at ang muling pagbangon o resurgence ng militansya ng pakikibaka. Saksi tayo sa kasindak-sindak na pandarahas ng estado laban sa protesta ng mamamayan, at ang katapat ding katapangan ng masa.
At hindi lang dito sa ating bayan. Sa iba’t ibang bayan, patuloy na lumalawak at tumatapang ang pagkilos ng mamamayan laban sa pasismo na nagtatangkang sumaklot sa buong daigdig. Pinakamaliwanag ito sa iba’t ibang porma ng pagkilos ng mga mamamayan laban sa pasismo ni Trump at sa etnosidyong gera ng imperyalismong US at Israel laban sa mamamayang Palestino at sa iba’t ibang bansa sa Northern Africa at Western Asia.
Nasa gitna nitong lahat ang KAGUMA. Nasa unahan ng militanteng kilusang guro ang pagsisikap ng mga rebolusyonaryong guro na naninindigang ang kasalukuyang mga krisis ay hindi lamang dulot ng korapsyon kundi bahagi ng buong sistemang burukrata-kapitalista na sinusuhayan ng imperyalismo at pyudalismo. Kaya’t ang pakikibaka ay hindi limitado sa paglaban lamang para sa mga reporma sa burukrasya kundi pagbabago ng buong sistema ng lipunan sa pamamagitan ng pambansa demokratikong rebolusyong may sosyalistang perspektiba.
Malinaw rin na ang masiglang pagkilos na ito ay hindi bunga ng biglang sumambulat na galit kundi ng masikhay na propaganda, pag-organisa at pagpapakilos natin sa mga guro at empleyado ng eskwelahan sa mahabang panahon. Sa iba’t ibang paraan mula sa unyonismo, mga kumperensya at porum, hanggang sa mga piket at rali ay napanday natin ang mga guro na itindig ang kanilang papel bilang mga edukador at mahalagang sektor sa lipunan at sa pakikibaka.
Ang pagkakatatag ng KAGUMA noong 1971 ay bunga rin ng ganitong masiglang pagbangon o resurgence noong FQS. Bilang mga makabayan at rebolusyonaryo, tumulong ang mga guro sa pagmulat at paghubog ng sunud-sunod na mga henerasyon ng mga guro at kabataang naging laman ng mga pagkilos kahit pa noong ipataw ang Martial Law hanggang ngayon. At sa kabila ng red-tagging at matinding militarisasyon sa mga paaralan at komunidad, nagpatuloy ang KAGUMA sa papel nito na buuin ang lakas hindi lamang ng mga guro kundi makaambag sa pakikibaka ng buong sambayanan laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Mula noon, maraming mga guro at kasapi ng KAGUMA ang nag-alay na ng kanilang panahon, talino, lakas at maging buhay, sa pagsulong ng pakikibaka. Inspirasyon natin sila ngayon, at huwag natin silang bibiguin.
Ikinalulugod namin ang kaangkupan ng inyong tema sa kongreso na Sulong rebolusyonaryong kilusang guro: Magwasto! Magpalawak! Makibaka! Magtagumpay!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba! Dahil mahaba at kumplikado ang landas na hinaharap natin.
Magwasto, para mapanghawakan natin ang mga aral at hindi tayo maligaw sa direksyon ng pakikibaka. Dahil sa tindi ng galit ng mamamayan ngayon, napakaraming pwersa ang sumisigaw ng iba’t ibang mga solusyon. Kaakit-akit ang kanilang mga presentasyon, lahat ay may ibinibigay na paliwanag at pruweba. Tanging ang pagtangan sa mga aral ng kasaysayan, ang patuloy nating pag-aaral sa rebolusyonaryong teorya, pagiging kritikal sa sarili nating mga kamalian, at paghawak ng mahigpit sa linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan ang magbibigay sa atin ng tatag para maintindihan ang mga pangyayari at ang solusyon dito.
Magpalawak, dahil hindi sasapat ang maliit na pwersa para sa malaki at radikal na pagbabago. Naghihintay sa atin ang napakaraming guro sa syudad at sa kanayunan para maging aktibong bahagi ng rebolusyon. Araw-araw nilang binabalikat ang pang-ekonomyang krisis na nagpapabagsak ng kanilang kabuhayan at nagpapahirap sa kanilang pamilya, ang paniniil at pagsasamantala ng estado na nambabansot sa kanilang pag-unlad bilang propesyunal, bilang mamamayan at bilang tao mismo. Napanday na sila sa hayag na pagkilos, nakita na nila ang mga repormang pwedeng ipaglaban sa kanilang sama-samang pagkilos, nakaranas na sila ng buhay ng militante o progresibong organisasyon. Kailangan na lang ang pagpapataas ng kanilang diwa at determinasyon para sa organisadong pagkilos sa rebolusyon. Hinihintay tayo ng malawak na kaguruan.
Makibaka, dahil hindi kailanman ibibigay ng naghaharing uri ang anumang benepisyo, laluna ang komprehensibong pagbabago, nang hindi ito ipinaglalaban. Sa kongresong ito, aralin natin ang iba’t ibang anyo ng pakikibaka na kayang gawin at paunlarin ng mga guro, sa loob at labas ng eskwelahan.
Syempre, unang-una na rito ang paggamit ng inyong propesyon para hubugin sa mga estudyante ang rebolusyonaryong diwa at aktitud para sa militanteng pakikibaka. Ang pagbaka sa historical distortion at kolonyalistang edukasyon, sa mga kurikulum na nagbibigay ng pinakamalaking halaga sa labor export. Ang paglaban sa imperyalistang opensibang kultural ng indibidwalismo na gustong hubugin ang mga kabataan na hiwalay sa isa’t isa at sa lipunan. Ang pagsusuri at paglalantad ng mga mapanghati, baluktot at kolonyalistang ideyang pinalalaganap sa eskwelahan para gawing masunurin, hindi-kritikal, at makasarili ang mga estudyante. Ang mga ideyang nagbabalat-kayong akademikong pag-unlad pero sa katunayan ay mga ni-rehash na rebisyunismo, misoginy, rasismo, at kolonyalismo. Itaguyod natin at paunlarin ang pambansa, siyentipiko at pangmasang kultura, ang ika-9 na punto sa 12-point program ng National Democratic Front of the Philippines.
Sa loob at labas din ng eskwelahan ang pakikibaka para sa pagpapaunlad ng kalagayan ng mga guro. Kabisadong-kabisado na ninyo ang unyonismo ukol sa iba’t ibang isyu ng mga guro tulad ng mas maayos na papel nila sa takbo ng eskwelahan, mga pasilidad, sahod at iba pa. Ang makibaka para sa mas mataas na sahod, mga alawans, Magna Carta, mas malaking badyet sa edukasyon, at iba pang magpapaunlad sa kalagayan ng mga guro.
Sa labas ng eskwelahan, gagawin ng mga guro na malaking paaralan ang paglahok sa pakikibaka sa lipunan. Napakalaki ng papel ng mga guro sa inilulunsad nating rebolusyong pangkultura hindi lang sa kasalukuyan kundi hanggang sa hinaharap dahil sa papel ninyo ng paghubog ng kabataan para palayain ang kanilang kaisipan sa limits ng klasrum. Ang mga guro mismo ay nakakapagpayaman ng kanilang ituturo sa pamamagitan ng paglahok sa panlipunang pakikibaka, sa tuwirang karanasan sa pasismo ng estado, sa pakikipamuhay sa masa.
At higit sa lahat, ang paglahok ng paparami at paparaming guro sa pakikibaka sa kanayunan, sa armadong digma na siyang mapagpasya sa tunay na pagbabago. Kailangang kailangan ng kanayunan ang mga propesyunal na tulad ninyo upang ang atrasadong kalagayan ng pinakamalaking bahagi ng ating lipunan, ang mga magsasaka, ay maiangat natin. Sa tulong ng mga guro at iba pang petiburges, ginagawa ng rebolusyonaryong pwersa na maunlad na moog ng rebolusyonaryong kultura ang mga atrasadong bahagi ng ating bayan.
At syempre, ang panawagang Magtagumpay! ay hindi isang panaginip. Ito ay makakamit natin sa patuloy na masikhay na pakikibaka. Tulad ng kongreso ngayon, na isa nang hakbang sa pagpapalakas at pagpapatatag ng ating hanay. Isang hakbang para maiparating ninyo sa mga rehiyon pag-uwi ang mga tungkulin at direksyong pagkakaisahan sa harap ng mabilis na nagbabagong kalagayan.
Umaasa kami na sa kongresong ito ay makokonsolida ninyo ang inyong hanay, makakahalaw ng mga aral mula sa mga karanasan, at mas matatag na susulong sa pagtupad mga tungkulin sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong hanay ng mga guro. At sa panawagang Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba, maitatatag natin sa hinaharap ang isang lipunang nagsasarili, tunay na demokratiko, at magbibigay ng kapayapaan at sagana para sa lahat, laluna ang mga bata.
Mabuhay ang KAGUMA!
Mabuhay ang mga rebolusyonaryong guro at iba pang empleyado sa mga paaralan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!











