Ilang araw bago upisyal na magtapos ang Australia-Pilipinas Kasangga war games na inilunsad sa teritoryo ng Pilipinas, nagprotesta ang mga Pilipino at Autralian sa Sydney, Australia noong Hunyo 22. Nagtipon ang mga grupo sa Sydney Town Hall bago nagmartsa patungo sa Defence Plaza, Pitt Street.
Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Australia, ipinanawagan nila ang pagpapalayas sa lahat ng dayuhang tropa sa Pilipinas at nanindigan para sa isang nagsasariling patakarang panlabas. Kabilang dito ang mga tropang Australian na taun-taong nagpupunta sa Pilipinas para sa mga war games.
Ngayong taon, nagsimula ang Kasangga war games na nilahukan ng Philippine Army at Australian Defence Force (ADF) noong Mayo 19 sa Camp Evangelista, Barangay Patag, Cagayan de Oro City. Upisyal itong nagtapos noong Hunyo 24.
Hindi bababa sa 90 sundalo mula sa 1st Combat Engineer Regiment ng Australian Army at 140 sundalo ng Philippine Army ang lumahok sa war games. Inilunsasd ang mga aktibidad militar sa Camp Kibaritan, Kalilangan, Bukidnon.
Noong 2024, inilunsad ang dalawang serye ng Kasangga war games sa Northern Luzon at Bicol.
“Kaisa ang ibang mga network lagpas sa diasporang Pilipino, nanindigan tayo laban sa isang sistema na kumikita mula sa militarisasyon sa global south,” pahayag ng Anakbayan Sydney, myembro ng Bayan-Australia. Anang grupo ng kabataang Pilipino, ang nangyayaring militarisasyon sa Pilipinas ay bahagi ng pandaigdigang sistemang nakakaapekto sa ating lahat.
Hinimok ng Anakbayan Sydney ang mga Australian na magtanong, magsalita at tumindig kasama ang mga Pilipino. “Ang buwis ninyo ay nagpopondo sa mga kasunduang militar. Ang inyong katahimikan ay pagsang-ayon (sa kanila),” ayon sa grupo.
Nakiisa sa pagkilos ang Philippines Australia Union Link. Nanawagan ang tagapagsalita ng grupo na si Peter Murphy sa gubyerno ng Australia na kumalas sa mga kasunduang militar sa gubyerno ng Pilipinas at itigil ang pagpapadala ng sundalong Australian dito.
Dati nang pinuna ng Bayan-Australia sa Kasangga war games at presensya ng tropang Australian sa Pilipinas bilang “hindi isang hiwalay na aktibidad kundi bahagi ng serye ng tuluy-tuloy na mga pakikipag-ugnayan militar na nagsisilbi sa mga estratehikong interes ng US sa rehiyon ng Indo-Pacific.”
Ang militar ng Australia ay sunud-sunuran sa US sa bisa ng alyansang militar na AUKUS (Australia-United Kingdom-United States) na binuo ng US para palakasin ang presensyang militar sa Asia-Pacific. Sang-ayon sa estratehiyang Indo-Pacific, pinalalakas ng US at ng mga alyadong bansa nito ang presensya sa Asia-Pacific para kontrahin ang lumalagong impluwensya sa militar at ekonomya ng China sa rehiyon.