Maramihang tanggalan sa Sky Cable, tinutulan ng unyon

Nanindigan ang SkyCable Supervisors, Professionals/Technical Employees Union (SSPTEU) laban sa panibagong banta ng maramihang tanggalan sa SkyCable Corporation, isa sa pinakakilalang kumpanya sa telekomunikasyon sa bansa. Nagpiket ang mga manggagawa at unyon noong Hunyo 24 para tutulan ang tanggalan sa balangkas ng ikatlong retrenchment program ng kumpanya.

Ayon sa unyon, hindi bababa sa 133 myembro nito ang posibleng sisantehin, liban pa sa mga manggagawang hindi kasapi ng unyon. Iginigiit ng SSPTEU sa pamunuan ng kumpanya na igalang nito ang probisyon sa kanilang collective bargaining agreement (CBA) na nagtitiyak sa seguridad sa trabaho.

Sa tabing ng suliraning pampinansya, ipinatupad ng SkyCable ang maramihang tanggalan simula noong huling bahagi ng 2024. Gayunman, matapos silang sisantehin noong nakaraang taon ay kaagad silang kinontak ng isang third-party agency, sa rekomendasyon ng SkyCable, para ipagpatuloy ang trabaho bilang kontraktwal at project-based na trabahante.

“Ang aming nasaksihan ay lumalabag hindi lamang sa letra, kundi pati sa diwa ng mga [panuntunan ng Department of Labor and Employment]. Ito ay naglalagay sa mga manggagawa (apektado o hindi) sa mas marupok na kalagayan,” pahayag ng SSPTEU.

Dagdag pa ng unyon, malinaw na maituturing itong taktika ng union busting o pambubuwag sa unyon. “Pananabotahe [ito] sa kolektibong tinig ng mga manggagawa na naninindigan para sa katarungan at karapatan sa regular na trabaho at security of tenure,” anang SSPTEU.

Nagpahayag ng suporta sa laba ng unyon ang mga kapwa manggawa nito sa telekomunikasyon. Ayon sa Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor-PLDT, “sa pamamagitan ng pagkakaisa ay buong lakas nating ipaglaban ang kasiguruhan sa trabaho ng mga manggagawa sa Sky Cable at ipakita natin na ang tao ay higit na mas may halaga kaysa sa negosyo at pagkamal ng tubo.”

Suportado rin ng Center for Trade Union and Human Rights (Philippines) ang laban ng SSPTEU at mga manggagawa sa kumpanya. Anito, pinatatampok ng usaping ito sa SkyCable ang pananahimik at kawalang akyon ng rehimeng Marcos sa usapin ng kontraktwalisasyon. “Patuloy ang pag-iral ng kontraktwalisasyon sa mga lugar paggawa sa bansa at lumalaganap pa,” ayon sa grupo.

Source link