Binatikos ng IBON Foundation sa isang pahayag noong Nobyembre 7 ang pahayag ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Marcos Jr na naglalarawan sa kalagayan ng paggawa sa bansa bilang “istable.” Nagbabala din ang grupo laban sa ilalabas na datos sa gross domestic product ng estado ay muli na namang maglalarawan sa ekonomya na “lumalago.”
“Hindi na kapani-paniwalang pamantayan ng disenteng pamumuhay ang mga datos sa empleyo,” ayon kay Sonny Africa, lead researcher ng IBON. Milyong mga Pilipino ang nagdurusa sa tinatawag niyang na jobless (walang napalilitaw na trabaho) o mas malala, “job-destroying” (sumisira ng mga trabaho) na “pag-unlad.”
Sa pinakahuling pagbabasa ng grupo sa mga estadistikang inilabas ng estado, diniinan nito na 270,000 ang netong nawalang mga trabaho sa Setyembre 2025 lamang. Bumaba ang bilang ng mga may empleyo mula 49.6 milyon noong Setyembre 2025 kumpara sa 49.9 milyon sa parehong buwan noong nakarang taon. Tumaas naman ng bilang ng mga walang trabaho nang 63,000 tungong 2 milyon, habang bumaba ang bilang ng mga underemployed nang 421,000 tungong 5.5 milyon.
Gayunpaman, nasa 40.2% o 20 milyon ng itinuturing na may trabaho ay sa aktwal nasa “impormal na sektor” o mga trabahong napakababa at di regular ang sahod. Kasama dito ang mga tinaguriang “self-employed,” maliliit na may-ari ng sakahan at negosyo, domestic helper, at “unpaid family worker.” Idagdag pa rito ang mga manggagawang nasa impormal na pribadong mga establisimyento, lalabas na pito sa bawat 10 manggagawang Pilipino ay nasa mga trabahong di saklaw ng mga pamantayan at proteksyon ng paggawa.
Sinabi rin ng IBON na napaliliit lamang ang tantos ng underemployment dulot ng paglaglag ng estado sa mga “discouraged worker” o mga manggagawang sobrang tagal nang naghahanap ng trabaho sa pwersa ng paggawa.
Habang nagtala ng 439,000 dagdag na trabaho ang sektor ng agrikultura, hindi ito sapat para mabawi ang hanggang 1.5 milyong trabahong nawala noong Hulyo lamang. Samantala, umabot sa 493,000 ang nawala sa trabahong nakakategorya bilang “other services,” pinakamarami (573,000) sa mga trabahong kasambahay o domestic services.
“Mananatiling di istable ang kalagayan ng paggawa hanggang tumatanggi ang gubyerno na paunlarin ang agrikultura at mga industriyang Pilipino para lumikha ng mga disente at istableng trabaho,” ayon sa IBON.











