Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ng 24-anyos na si Junjun Binoy na pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB sa Sityo Bugtangan, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Hunyo 6, alas-2 ng hapon. Pinalalabas ng mga sundalo na myembro siya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at na napaslang siya sa isang armadong labanan.
Mariing pinabulaanan ng mga kaanak ni Binoy ang paratang ng 94th IB na isa siyang Pulang mandirigma. Anila, basta-bastang nagpakalat ng kasinungalingan ang mga sundalo at sinabi na mayroong naganap na labanan kahit wala naman.
“Grabe walang awa!” pahayag ng isa sa mga pinsan ng biktima sa Facebook.
Pinasinungalingan na rin ng tagapagsalita ng BHB-South Central Negros (Romeo Nanta Commmand) na si Dionesio Magbuelas ang paratang ng militar na myembro ng hukbong bayan si Binoy. Inilinaw ni Ka Dionesio na walang yunit ng BHB sa lugar ng insidente at walang engkwentro.
Ayon sa ulat, pinuntahan si Binoy ng 94th IB at ng mga nagpapakilalang “surrenderee” na mga tauhan ng militar sa kanyang tinutuluyang kamalig sa Sityo Bugtangan. Doon siya pinagbabaril at pinatay ng mga berdugo.
Para gawing kapani-paniwala ang engkwentro, nilagyan ng 94th IB ang bangkay ng biktima ng M16. Pinalabas rin nitong nakumpiska sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang iba pang kagamitang pandigma, mga dokumento at personal na gamit.
Residente si Binoy ng Sityo Ompocon, Barangay Mahalang. Nasa Barangay Buenavista ang biktima dahil nagtatrabaho sa isang bukid. Kasama ni Binoy noon ang kanyang ama na si Judy.
Ipinailalim ng 94th IB ang ama niyang 59-taong gulang sa pagpapahirap, pambubugbog, pinadapa sa lupa at iniwan pang basang-basa sa ulan habang pinapatay ng mga ito si Binoy. Dahil sa karumal-dumal na krimen, matindi ang takot na nararamdaman ng pamilya Binoy.
Kinundena ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement-South Negros ang krimen ng mga sundalo. Nakiisa sila sa pamilya ng biktima sa panawagang hustisya at pananagutan.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, si Binoy ang ika-11 biktima ng pagpatay ng mga pwersa ng estado sa South Central Negros.
Kasalukuyang nakapailalim sa matinding militarisasyon ang Barangay Buenavista at mga katabing barangay nito na Carabalan at Mahalang. Sakop rin ng malupit na paghaharing militar ang mga barangay ng Orong, Oringao, Tan-awan at Hilamonan sa Kabankalan City, at mga barangay ng Santol at Biao sa Binalbagan. Sa mga lugar na ito, sinasakop ng mga sundalo ang mga sibilyang komunidad at naghahasik ng teror.