Muling ipinarada sa mga lansangan at pampublikong imprastraktura sa Cagayan Valley ang mahigit 100 mabibigat na sasakyan at kagamitang pandigma ng US kasunod ng pagsisimula ng Phase 2 SABAK (Salaknib-Balikatan) Exercises nitong ika-16 ng Hunyo na magtatagal hanggang Hunyo 20. Nanggaling ang grand convoy sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at ngayon ay maglulunsad na ng mga ehersisyong pandigma na lalahukan ng mahigit 1,000 tropa ng 5th Infantry Division (5IDPA), 7th Infantry Division (7IDPA) at 25th Infantry Division US Army.
Una na rito ang paglulunsad ng air insertion sa Bagabag airport/airstrip sa Nueva Vizcaya at pagdagsa ng mga sasakyang pandigma o heavy mechanized bridge system sa Batu Ferry Bridge sa bayan naman ng Bambang na nagdulot ng alarma at takot sa mga mamamayan. Samantala, paglulunsaran naman ng fast rope insertion and extraction ang Isabela State University Oval sa Echague, Isabela gayundin ang air assault operation sa kampo ng 5IDPA sa Gamu, Isabela na gagamitan ng ATMOS na dumating sa kampo. Ang mga barkong pandigma naman ng US, ang US Navy Landing Craft Unit, ay dadaong sa Port Irene sa Santa Ana, Cagayan mula Caranglan.
Simula sa pagkakabukas ng Balikatan noong Marso ay hindi pa rin umaalis ang mga tropa ng US sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Namataan ang kanilang presensya sa Lal-lo, Santa Ana, at Batanes kahit sinasabing tapos na ang unang yugto ng pagsasanay na ginanap sa Aparri at mga bayan ng northeast Cagayan.
Mariing kinukundena ng NDF-Cagayan Valley, kaisa ng malawak na hanay ng mamamayan sa rehiyon, ang tumitinding presensya at disposisyon ng tropa at kagamitang pandigma ng US sa Cagayan Valley. Hindi lamang ito tahasang pagyurak sa soberanya ng bansa kundi malaking banta at peligro sa buhay at kaligtasan ng mga mamamayan. Simula nang magkaroon ng tatlong base militar ang US sa rehiyon sa tabing ng mga “EDCA site” at iba pang mga pasilidad na hindi deklaradong kampo militar ng US ay nabibigyang-matwid ang kanilang kanilang paglapastangan sa mga soberanong teritoryo ng bansa at rehiyon mula sa lupa, dagat at himpapawid.
Sa kabila ng pangangatwiran at tangkang itago sa publiko ang tunay na dahilan ng umiigting na pagsasanay at presensya militar ng US sa bansa at sa rehiyon, batid ng mga mamamayan ng Cagayan Valley ang tunay layunin sa likod ng mga ito. Hindi maitatatwang paghahanda ito sa gera ng US laban sa China at pagkakasangkapan sa mga sundalong Pilipino at mismong mamamayang Pilipino sa inter-imperyalistang gera, alinsunod sa first island chain ng US o paglalatag ng mga base at tropa at pagpoposisyon ng mga misayl at iba pang kagamitang pandigma sa mga bansang nakapalibot sa China kabilang na ang Pilipinas.
Dapat na malawakang ilantad at labanan ang tumitinding presensya militar ng US sa bansa laluna sa rehiyon at mga isla ng Cagayan Valley na pinakabulnerable sa atake o kontra-atake ng mga kalaban ng US. Dapat na magsilbing malinaw na babala ang umiigting na tensyon at panunulsol ng US sa ibang mga bansa tulad ng Ukraine laban sa Russia at Israel laban sa mga mamamayan ng Palestine, Iran at iba pang kalapit na bansa sa Middle East na kumitil sa buhay ng libu-libong sibilyan.
Kasabay nito ay dapat ding mariing batikusin at itakwil ang rehimeng US-Marcos Jr sa sumasahol na pangangayupapa nito sa imperyalismong US para sa pampulitikang pabor kapalit ang buhay ng mamamayang Pilipino at soberanya ng bansa. Sa kabila ng lumalalang krisis sosyo-ekonomiko, mas inuuna pa ni Marcos Jr ang pagbili ng mga kagamitang pandigma at pagpasok sa gerang proxy kaysa sa kalam ng sikmura, krisis sa edukasyon at kalusugan, nagtataas presyo ng mga pangunahing bilihin at malawakang disempleyo.
Tinatawagan ng NDF-CV ang lahat ng mga patriyotiko at makabayang pwersa na tumindig at makiisa sa laban ng mamamayan ng Cagayan Valley sa pagtakwil sa presensya ng US sa rehiyon at sa buong bansa—mula sa mga base o “EDCA site”, deployment ng mga tropa at disposiyon ng mga armas at kagamitang pandigma—na malinaw na nagsasapanganib buhay, kabuhayan, kaligtasan at kalayaan ng bansa at sambayanang Pilipino. Dapat na buklurin ang pinakamalawak na nagkakaisang prenteng anti-imperyalista upang mapalakas ang panawagan at pakikibaka laban sa dominasyon at panghihimasok ng US sa bansa, gayundin ang mga gerang agresyon nito sa iba’t ibang sulok ng daigdig.
Militar ng US sa Cagayan Valley, palayasin!
Pagtatayo ng EDCA sites, tutulan!
Imperyalismo, ibagsak!