PRWC » Mag-rebolusyong agraryo, laban sa imperyalistang pandarambong sa mga sakahan sa bansa!

Sa ika-limang State of the Nation Address ng papet na rehimeng US-Marcos, panawagan ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid-National Democratic Front of the Philipines (PKM-NDFP) sa malawak na masang magsasaka, masang anakpawis at mamamayang Pilipino na sumama sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo laban sa imperyalistang pandarambong sa mga sakahan sa bansa. Pinatunayan lamang ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, na siya ay kaaway ng uring magsasaka at pangunahing papet ng imperyalismong US, dahil bukod sa wala siyang ipinatupad na tunay na reporma sa lupa, nasa yugto siya ng todong pagsuko ng kalupaan sa bansa sa mga dayuhang monopolyo, at ng teritoryo sa US. Pahirap at pahamak si Marcos sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino dahil nitong unang hati ng taon, sa gitna ng hambalos ng epekto ng gerang agresyon ng US sa Iran, kung saan sumirit ang presyo ng produktong petrolyo, mga pagkain at iba pang pangangailangan, wala itong signipikanteng ginawa para maibsan ang pagkakalubog sa kahirapan, kagutuman at pagkakautang ng mga maralita. Ipinapahamak rin niya ang sambayanang Pilipino sa patuloy na pagpapapakatuta sa pang-uupat ng imperyalistang US ng gera sa Asya-Pasipiko kontra China, sa patuloy na paghahari ng mga ito sa mga EDCA sites, paglulunsad ng Balikatan military exercises at militarisasyon sa South China Sea.

Walang aasahan ang masang magsasakang Pilipino sa SONA ni Marcos na pawang panlilinlang at pagmamayabang ng tantos ng pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismong US, malalaking burgesya kumprador at panginoog maylupa, at mga burukrata kapitalista sa sambayanan. Lantad na lantad ang pangloloko niya nang pumustura itong kontra korapsyon mula nakaraang taon, ngunit ang mga tinarget lamang ang mga oposisyon, nilaglag ang mismong mga kaalyado niya, at sinasalba ang sarili, na siya naman ang punong kapural ng korapsyon sa kanyang rehimen. Hindi mangmang ang mga magsasaka at mamamayan para maniwala pa sa kanya, bagkus, mulat at aktibong lumalaban at nananawagan ng pagpapanagot sa lahat ng sangkot, mula sa pangkating Marcos at Duterte at iba pa.

Nananatili ang malawak at lumalalang kawalang lupa ng magsasakang Pilipino, at ang mga gimik ni Marcos ay pawang panlilinlang at instrumento para mapasakamay ang lupa sa mga dayuhang monopolyo, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Ang pakana nitong New Agrarian Emancipation Act o NAEA ay walang silbi sa mga kanseladong certificate of land transfer, emancipation patent at certificate of land ownership award. Ipinapatupad rin nito ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT na dikta ng imperyalistang World Bank, na atake sa komunal na pag-aari ng magsasaka na may mga collective cloa, na dudulo para mapasakamay ng mga naghaharing uri ang mga sakahan.

Tinalikuran na nga ang adyendang repormang agraryo, binebenta naman ni Marcos ang malalawak na sakahan sa mga dayuhang monopolyo at mga kakutsaba nitong malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa sa pagtutulak nito ng mga proyektong “renewable energy” na kakamkam sa halos 3 milyong ektarya. Magdudulot ito ng malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka, bukod pa sa epekto nito sa kalikasan. Nasaksihan ito ng mga magsasaka at mga anakpawis sa kanayunan sa mga naisagawang proyektong solar at wind projects na, tulad ng Calatagan Solar Farm na 140 ektarya, at ang plano ng Meralco na MTerra Solar Project sa Nueva Ecija at Bulacan na 3,500 ektarya. Ang abereyds na lupang sasaklawin kada Gigawatt ng mga planong solar project ay 3,601 ektarya, at ang wind ay halos 29,000 ektarya. Tinutulak ng papet na rehimen na tadtarin ang kanayunan ng mahigit 27,000 na solar farm, habang ang baybaying-dagat ng 16,600 onshore wind project. Samakatuwid, malaking bahagi ng pinagmamayabang ng papet na estado na accomplishment ng CARP na 4.8 milyong ektarya, ay ngayon ay may banta na mapasakamay ng mga dayuhang monopolyo at naghaharing uri.

Hindi pa nakuntento sa pagpapakatuta, sinusuko ni Marcos ang daan-daang libong ektaryang lupa at mga sakahan na sinaklaw ng mga EDCA sites at military reservation sa awtoridad ng imperyalismong US at mga dayuhang monopolyo. Ang malalaking tipak na military reservation ng Clark na 35,000 ektarya, Subic na 68,000 ektarya at Fort Magsaysay na 35,000 ektarya ay pawang mga EDCA sites at pinaghaharian ng mga pwersang militar ng US, at nilabag ang karapatan ng mga magsasaka, katutubong mamamayan na mamuhay ng mapayapa at pagyamanin ang mga kalupaan rito. Sinusuko rin ni Marcos ang malalawak na lupaing sasaklawin ng Luzon Economic Corridor, o ang unang Partnership for Global Infrastructure and Investment Corridor (PGI Corridor) sa Indo-Pasipiko. Ito ay bubuuin ng mga proyektong imprastruktura na magdudugtong sa Subic Bay, Clark, Maynila at Batangas. Pinakahuli ang kinamumuhiang Pax Silica na layong magtayo ng 1,620-ektarya AI data center sa Capas, Tarlac, na bantang magpalayas sa mga magsasaka at katutubong Ayta, umubos sa suplay ng tubig na dapat ay irigasyon sa mga sakahan, at kuryente.

Kaya, ang mga programa at patakarang ito ng papet na rehimeng US-Marcos, mga proyektong renewable projects, papalawak na paghahari ng imperyalismong US sa mga EDCA sites at military reservation, ang Luzon Economic Corridor at Pax Silica, wawasak sa milyun-milyong ektaryang sakahan at magpapalayas sa milyun-milyong mga magsasaka at masang anakpawis sa kanayunan. Ito ay lantarang pagsusuko ng pambansang teritoryo, pambansang patrimonya at pambansang soberanya ng sambayanang Pilipino; at karapatan sa lupa, kabuhayan at sapat na pamumuhay ng masang anakpawis sa kanayunan. Walang maaasahan ang magsasakang Pilipino sa papet na estado, kung kaya ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan lamang ang natitirang solusyon rito. Maipagtatanggol lamang ng masang magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan sa pagtataguyod ng rebolusyong agraryo. Ang armado at marahas na pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka ng reaksyunaryong papet na rehimen, ay mahaharap lamang ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at malawak na kilusang masa.

Kaya, panawagan ng PKM-NDFP sa lahat ng mga pangrehiyon at pamprobinsyang balangay nito na kagyat na maghanda, palawakin ang kilusang masa, puspusin ang gawaing rekoberi at ekspansyon, abutin ang mga demokratikong sektor, at pakilusin ang milyun-milyong masang magsasaka para ibagsak ang papet na estado at hakbang-hakbang na itayo ang mga ubod ng demokratikong gubyernong bayan. Sa ganitong paraan lamang tunay na maipagtatanggol ang kalupaan, teritoryo, pambansang patrimonya at pambansang soberanya.

Ibagsak ang Papet na Rehimeng US-Marcos Jr.!
Labanan ang imperyalistang pandarambong ng mga sakahan sa bansa!
Isulong ang Rebolusyong Agraryo at Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Source link