Inianunsyo noong Nobyembre 18 ng isang grupo ng mga manggagawa sa Southern Tagalog ang paglaya mula sa kulungan ng lider-manggagawa sa rehiyon na si Gavino Panganiban. Si Panganiban ay inaresto ng mga pulis at militar noong Oktubre 27, 2024 sa Makati City.
Ayon sa Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU), nakalaya si Panganiban matapos ibasura ng isang korte sa Infanta, Quezon ang kasong pagpatay na kinahaharap niya. Anang grupo, lubos nilang ikinagalak ang paglaya ng kanilang direktor para sa kampanya.
Sa kanyang paglaya, sinabi ng Pamantik-KMU na muling makababalik sa kanyang gawaing pag-oorganisa si Panganiban. “Lubos na maiaambag ni Ka Gavino ang kanyang lawak ng karanasan sa pagbubuo at pagpapalawak ng kilusang paggawa,” ayon sa grupo.
Muling kinundena ng Pamantik-KMU ang mga pwersa ng estado sa pag-aresto at matagalang detensyon kay Panganiban. Nanawagan rin ang grupo para sa paglaya ni Maritess David, lider-manggagawang inaresto kasama ni Panganiban, at iba pang bilanggong pulitikal.
“Natitiyak din naming abot-langit ang galit ng mga pasista sa paglaya ni Panganiban,” ayon sa Pamantik-KMU. Dagdag ng grupo, sigurado silang hindi nila kikilalanin ng mga pwersa ng estado ang desisyon ng korte at hindi titigil sa kanilang panunupil sa karapatan ni Panganiban at ng mga kapwa niya manggagawa at organisador.
“Sa kabuuan, bahagi ito ng atake ng rehimeng US-Marcos Jr sa kilusang paggawa na nagpapatuloy hanggang ngayon sa layuning ipatanggap sa masang manggagawa ang kalunos-lunos na mga kundisyon sa pagawaan at ng lipunan,” ayon sa grupo. Tumitindi rin umano lalo sa ilalim ni Marcos ang panunupil sa mga manggagawa alinsunod sa National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng rehimen.
Sa buong bansa, nanatiling mayroong higit 700 bilanggong pulitikal.










