Sa isinagawang sesyon ng Sanguniang Panlunsod ng Sorsogon City noong Hunyo 3, idineklara ng syudad bilang null and void o walang bisa ang sertipikasyon ng Barangay Abuyog na nagsasabing wala itong pagtutol sa pagtatayo ng substation ng National Grid Power Corporation o NGCP sa kanilang pamayanan.
Matatandaang ilang taon nang tinututulan ng mga residente ng Barangay Abuyog ang planong pagtatayo ng 320KV substation sa kanilang lugar dahil sa magiging epekto nito sa kanilang pagkukuhaan ng tubig at kabuhayan. Sa kabila nito, naglabas ang punong barangay ng sertipikasyon na wala di umanong tumutol sa plano.
Sa pagdinig ng sanggunian, napag-alaman na hindi dumaan sa tamang proseso ang pagkonsulta sa mga residente hinggil sa plano. Ani Reynaldo Palabay, kapitan ng barangay, sinabihan siya ng mga kinatawan ng NGCP na gawin lamang berbal ang imbitasyon para sa konsultasyon. Sa aktwal na pagtitipon, sampung residente lamang ang dumalo maliban sa mga upisyal ng barangay at mga taga-NGCP. Sa maliit na pulong na ito ibinatay ang resolusyon na pumapabor sa proyekto.
Sinimulan na ng NGCP noong Abril ang konstruksyon ng mga tower at pagkwari sa planong pagtatayuan ng substation sa barangay.
Bilang porma ng protesta, umabot sa 700 pirma ang nakalap ng mga residente na tutol sa proyekto.
Nakiusap naman si Atty. Ferdinant Laguna, residente at isa sa mga namumuno sa laban ng mga taga-Abuyog na lumipat na lamang ang NGCP sa lugar na akma para sa kanilang proyekto. Anito labag sa zoning ordinance ang pagtatayo ng substation sa lupang agrikultural.
“Hindi kami susuko sa nilalaban namin, kasi ito ay para sa susunod na henerasyon. Ang isyu dito ay kabuhayan ng tao, ang tubig, kaya patuloy ang paglaban namin,” pahayag ni Atty. Laguna.