Lubos na ikinagagalit at kinukundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Eastern Visayas, rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka sa rehiyon, ang marahas na pamamaslang ng militar sa isang kabataang magsasaka sa Borongan City, Eastern Samar, at agad na pagtatakip sa insidente ng 802nd Infantry Brigade at 8th Infantry Division.
Namatay sa pamamaril ang 16-anyos na kabataang si Jason Grafil ng Sitio Bagong Barrio, Barangay Pinanag-an sa nasabing syudad noong Hunyo 15. Ayon sa mga pumapasok pang ulat, nasa bukid sa labas ng sityo ang biktima kasama ang isa pang kabataan nang paputukan sila ng mga nag-ooperasyong sundalo. Namatay si Jason sa mga tama ng bala samantalang maswerteng nakaligtas ang kanyang kasama.
Walang kahit anumang ginagawang pag-aamin sa pangyayari ang 802nd Infantry Brigade at 8th Infantry Division kung saan nakapailalim ang 63rd IB. Upang pagtakpan ang kanilang krimen, ipinangangalandakan ng mga upisyal militar na may napaslang silang diumano’y Pulang mandirigma. Ito ay garapalang naghuhugas-kamay at tila walang pananagutan sa walang-habas na pamamaril ng kanilang mga tropa sa kabataang sibilyan.
Lalo lang pinatutunayan ng trahedyang ito ang matagal nang kalakaran ng pasistang 8th ID sa Eastern Visayas na pagtarget sa mga sibilyang magsasaka sa kondukta ng mga operasyon nito sa kanayunan. Bago tumungo sa bukid sina Jason, nagpaalam pa muna sila sa mga tropang RCSP na nakakampo sa Bagong Barrio, bilang pagsunod sa pasistang pagkontrol sa kanilang baryo. Sa kabila nito, pinagbabaril pa rin sila.
Sa nakaraang 12 buwan, hindi bababa sa pitong magsasaka ang pinaslang ng mga sundalo. Lahat sila ay pinalabas na “nanlaban” o namatay sa “engkwentro.” Pero ang totoo, mga ordinaryong magsasaka sila na pinaslang ng pasistang rehimen.
Sa harap nitong pagyurak sa mga karapatan ng mga sibilyan at sa makataong batas ng digma, matapang na nagsasalita ngayon sa social media ang mga kamag-anak ni Jason at mamamayan ng Sityo Bago Barrio upang pasinungalingan ang basurang ipinakakalat ng 8th ID sa pagtatangkang itago ang nilang krimen. Nararapat ang kanilang galit at makatarungan ang kanilang paggiit para sa hustisya. Bilang mga kapwa nilang inaapi at sinasamantala, dapat tayong makiisa sa kanila at paalingawngawin ang kanilang panawagan sa buong bansa at mundo, na panagutin ang pesteng militar na pumaslang kay Jason at naghahasik ng lagim sa mga komunidad ng magsasaka.
Kahit anong ilubid na kasinungalingan ng 8th ID, hindi nito mapagtatakpang labis silang kinamumuhian ng mga magsasaka. Paanong hindi, lalo’t tuwing nag-ooperasyon sila ay pinagbabawalan makapagtrabaho sa bukid ang mga magsasaka? Lalo’t tuwing nasa baryo, laganap ang sugal, inuman, kaguluhan at pang-aabuso sa kababaihan? Tuwing nariyan sila ay niraransak ang mga bahay, hinahalughog ang mga gamit, at kinakatay ang mga alagang hayop? Tuwing nariyan sila ay “pinasusuko” ang mga inosente, binubugbog at pinapaslang ang sinumang sumuway sa kanila?
Binabaligtad ng 8th ID ang katotohanan sa pagsabing “nanggugulo” ang Bagong Hukbong Bayan at dahilan ng kawalan ng kapayapaan sa kanayunan. Taliwas sa propaganda ng AFP, tuwing nakakasama ng masa ang BHB, panatag ang loob nito, alam na hinding-hindi ito sila sasaktan, at ipaglalaban ang kanilang interes para sa hustisyang panlipunan. Batid ito ng masang magsasaka dahil ang mga Pulang mandirigma ng BHB ay kanila ding mga anak at magulang.
Ang umiigting na terorismo ng estado sa kanayunan ay lalong nagbibigay-diin sa pangangailangang agad na magbigkis ang masang magsasaka at lumahok sa buhay-at-kamatayang pakikibaka para sa kanilang mga karapatan at kabuhayan. Hindi kailanman maaasahan ang estado ng mga naghaharing uri na pagpapakabundat lang ang interes at pinagtatanggol ng mga pasistang sundalo. Nasa ating mga kamay ang tunay na pagbabago. Kasama ang BHB at malawak na masang Pilipino, sa gabay ng Partido, tiyak ang tagumpay.