Nakikiisa ang National Democratic Front-Eastern Visayas sa lumalakas na panawagan na papanagutin ang mga matataas na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno na sinasamantala ang poder para magkamal ng yaman, sa kapinsalaan ng milyun-milyong mamamayang Pilipino.
Ang mga “flood-control project” at iba pang proyektong pang-imprastruktura ng reaksyunaryong gubyerno ay sintomas lang ng mas malawakang suliranin ng burukrata-kapitalismo. Ang matataas na upisyal sa reaksyunaryong gubyerno ay katulong, kasabwat o bahagi mismo ng mga lokal na kapitalistang nakapagpapayaman sa pamamagitan ng suhol o porsyento mula sa kontrata gaya ng proyektong imprastruktura.
Gaya ng buong bansa, iniinda ng mamamayan sa Eastern Visayas ang epekto ng mga bulok at tiwangwang na proyektong pang-imprastruktura.
Sa Northern Samar, 23 taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin tapos ang proyektong pang-irigasyon sa lambak ng Catubig-Las Navas. Nakapailalim ang proyektong ito sa Help for Catubig Agricultural Advancement Project (HCAAP), na may pautang na nagkakahalaga ng ¥5.2 milyon (katumbas ng ₱3.4 bilyon) mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at inaprubahan noong 2002. Ngayon, puro “subcontracted” ang iba’t ibang proyektong kalsada at irigasyon sa ilalim ng HCAAP, ibig sabihin, hinati-hati na ang mga ito sa mas maliliit na kontrata na nasa 100 metro ang haba bawat isa, ngunit sa kabuuan ay ‘di pa rin tapos.
Noong 2021, isinailalim sa imbestigasyon ang 1st District Engineering ng Department of Public Works and Highways ng Northern Samar dahil sa malakihang korapsyon. Ayon sa mga kontratista, 30% lang ng pondo ng isang proyekto ang aktwal na nagagamit para rito; ang 70% ay hahati-hatiin sa ipambabayad ng buwis, sa kita ng kontraktor, at sa kupit ng korap na upisyal na nasa 30%.
Sa Western Samar, kinwestyon ng Commission on Audit noong 2024 ang mga pinagawang evacuation center ni Samar Gov. Sharee Ann Tan na nagkakahalaga ng tig-₱2.8 milyon hanggang ₱3.1 milyon ngunit pawang walang mga dingding. Si Sharee Ann ang myembro ng dinastiyang Tan na inulan ng batikos kamakailan sa pagdaos ng garbosong piging sa kasagsagan ng malakas na ulan at pagbaha.
Sa Eastern Samar, mahawan na kabatuhan lang ang madadatnan sa isang abandonadong ₱96-milyong “ghost project” para sa isang kalsada sa Barangay Barobo, bayan ng Llorente. Ito ay kahit nailabas na ang 90% ng pondo para sa proyektong noong 2023 pa ipinapagawa.
Gumuho naman ang flood-control project sa Barangay Riverside, Matag-ob, Leyte, isang buwan pa lamang ang nakalipas nang matapos itong ipagawa ng ika-4 na distrito ng prubinsya sa halagang ₱96 milyon. Imbis na magpaliwanag at umako ng pananagutan, nagbalat-sibuyas ang kinatawan ng prubinsya sa kongreso na si Richard Gomez, na pinagbuntunan pa ang midya.
Dambuhalang gatasan ng kurakot naman ng militar ang Support to Barangay Development Program (SBDP) ng NTF-Elcac. Sa Eastern Visayas, umabot sa 577 barangay ang itinakdang “benepisyaryo” ng nasabing programa sa mga taong 2021-2024. Noong 2021 ay anim na barangay lang na may tig-₱20 milyon ang nakalista para rito, ngunit noong 2024, lumobo ito sa 200 barangay na ang pinakamababang nakuha ay tig-₱4-10 milyon. Karamihan sa mga proyekto ng SBDP ay mga proyektong imprastruktura tulad ng klinik, silid-aralan, at kalsada, o di kaya mga proyektong pangkabuhayan, na nirereklamo ng masa dahil hindi angkop o hindi tapos, kaya hindi rin mapakinabangan. Sa pag-amin ng NTF-Elcac noong nakaraang taon, wala ni isa sa 855 proyekto ng SBDP sa buong bansa ang tapos.
Sistemang bulok sa kaibuturan
Bumaha ang pagkundena sa mga palpak na proyektong imprastruktura ng gubyerno matapos maggalit-galitan si Marcos sa mga tiwaling upisyal at mga kakunsabong kontraktor na nakikinabang sa korapsyon sa “flood-control projects.” Akala mo kung sino siyang hindi nakikinabang sa sistemang ito lalupa’t tatlong taon na niyang pinipirmahan ang pambansang badyet, na kinapapalooban ng kahindik-hindik na halagang binubuhos sa proyektong imprastruktura, “confidential funds,” panakip-butas na abuloy, bayad-utang, suhol sa mga alipures, at pasistang panunupil–lahat ipinababalikat sa mamamayan.
Itinataguyod at nakikinabang si Marcos sa bulok na sistemang ito mula pa noong panahon ng diktadura ng kanyang ama, noong maupo siya bilang bise-gubernador, gubernador, kongresista, at senador, at laluna ngayon bilang punong papet ng reaksyunaryong gubyerno. Sa kanyang termino naibasura ang maraming kaso kaugnay ng nakaw na yaman ng kanyang pamilya.
Si Marcos at ang lahat ng kapwa niya burukrata-kapitalista ay hindi maaasahang magtapat o ibuyangyang sa publiko ang kanilang mga baho. At kahit pa malantad ang kanilang mga krimen, gaya ng maraming halimbawa sa nakaraan, nakababalik pa rin sila sa kapangyarihan. Gayon na lang ang pagkapit nila sa poder dahil batid nilang kung sino ang nasa pusisyon, siya ang makakakontrol sa burukrasya upang makapagkamal ng yaman. Sinusuportahan naman ng imperyalismong US ang pinakasunud-sunuran sa kanilang hanay–gaya ni Marcos, at ang lahat ng papet na pangulong sinundan niya–upang panatilihin ang ganitong kaayusan.
Ang masangsang na amoy ng burukrata-kapitalismo ay nanunuot sa buong nabubulok na lipunang Pilipino. Kaya wala sa iilang pulitiko o sa burgis na eleksyon ang pagbabagong inaasam ng mamamayan. Kailangan nilang agawin mismo ang pampulitikang kapangyarihan mula sa iilang humahawak nito, wasakin ito at palitan ng isang tunay na gubyernong bayan. Nasa demokratikong rebolusyong bayan, sa pagsusulong ng digmang bayan, ang kanilang pag-asa.
Napatutunayan na ito sa maraming bahagi ng bansa na nasasaklaw ng mga larangang gerilya ng BHB kung saan umiiral na ang Pulang pampulitikang kapangyarihan. Sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan, tunay na pinamumunuan ng masang anakpawis ang kanilang sarili, isinusulong ang rebolusyong agraryo para sa pang-ekonomyang kaunlaran, at mayroong armadong hukbong nagtatanggol sa kanilang karapatan at interes.










