Nakiisa ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command) sa pagkundena ng malawak na mamamayan sa marahas at brutal na pagbuwag noong Oktubre 17 ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa kontra-minang barikada ng mga residente ng Barangay Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya. Tatlong indibidwal ang inaresto na agad ding nakalaya.
“Sinasaluduhan ng BHB-Cagayan Valley ang matibay na paglaban ng mamamayan. Hindi lang sariling laban ng mga taga-Nueva Vizcaya ang pakikihamok sa dayuhang mapanirang pagmimina, laban ito ng mamamayan ng Lambak Cagayan at buong bayan,” pahayag ni Nelia Lucia Guerrero, tagapagsalita ng panrehiyong kumand ng hukbong bayan.
Sa bisa ng Temporary Restraining Order na inilabas ng korte laban sa mga nagtayo ng barikada, inutusan nito ang mga pulis na dakpin ang sinumang humahadlang sa pagmimina ng Woggle Corporation. Ang kumpanya ay 60% pag-aari ng FCF Minerals Senior Staff Annuity Corporation at 40% pag-aari ng Metals Exploration Plc, mga kumpanya na nakabase sa London, England.
Sa mga nakuhanang bidyo, malinaw na agresibong itinulak ng mga pulis na naka-shield ang mga residente, habang hinihila nila ang ilang nagprotesta para arestuhin. Karamihan sa nasa unahan na lumalaban ay pawang matatanda. May namataan din na mga dayuhan na may takip ang mukha na nagbabantay sa likod ng mga pulis.
Maraming organisasyon, mga progresibong grupo, taong-simbahan at unibersidad ang nakiisa sa laban ng mga residente.
Ayon ka Ka Nelia, ipinakita ng militanteng pagdepensa ng mga residente ang halaga ng lupa sa kanilang buhay at kabuhayan. “Maliwanag sa kanila na peligrong maidudulot sa buhay at kabuhayan ng mga kemikal na gamit sa pagmimina sa mga sapang nag-aaruga sa maraming yamang tubig, at maramihang pagpatay sa mga puno,” aniya.
Pagdidiin pa ng tagapagsalita, walang ibang masasaligan ang taga-Bitnong kundi ang sariling lakas at higpit ng pagkakaisa. “Kailangang patatagin ang organisasyon at ilunsad ang mga pag-aaral upang maunawaan ang mga dahilan kung bakit nawawalan ng karapatan kahit sa napagyaman nang lupa ang mga magsasaka, samantalang nakabuyangyang ito sa mga dayuhan para lang dambungin at sirain,” dagadg niya.
Paliwanag pa ng BHB-Cagayan Valley, ang laban kontra dambuhalang pagmimina ay kadugtong ng pangkalahatang paglaban sa burukrata-kapitalismo, na pinamumugaran ng mga pulitiko-negosyante at korap na gubyerno na siyang may kagagawan kung bakit nasisira ang kabundukan, inaagawan ng lupa ang magsasaka, at kung bakit naghihirap ang mamamayan. “Walang maaasahan sa kasalukuyang sistemang kinakapitan ng tatlong ugat na nagpapahirap sa malawak na mamamayan,” ayon kay Ka Nelia.
Kasangkapan ng reaksyunaryong estado ang mga pulis at militar para protektahan ito. Sa harap ng karahasang inihahasik ng pulis at militar, ipinahayag ni Ka Nelia na walang ibang masasandigan ang mamamayang lumalaban kung hindi ang rebolusyonaryong kilusan.
“Walang ibang solusyon upang mawakasan ang paghihirap ng malawak na mamamayan—ailangang palakasin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ilunsad ang matagalang digmang bayan na gugupo sa kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal,” aniya. Kaugnay nito, nanawagan ang BHB-Cagayan Valley sa masang magsasaka at anakpawis laluna sa Nueva Ecija na tumangan ng armas at sumapi sa hukbong bayan para ipagtanggol ang kanilang sarili at baguhin ang bulok na sistema.











