Ipinapaabot ng balangay ng Kalipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) sa Eastern Visayas (EV) ang mataas na pagpupugay sa magigiting na gurong Pilipino sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Kinikilala natin ang matapang at walang pag-iimbot na paglilingkod bilang tagahubog ng kamalayan ng mga kabataan, sa kabila ng kinakaharap nilang tumitinding krisis sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal.
Lalong bumibigat ang pasanin ng mga guro sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Gaya ng malawak na mamamayan, iniinda nila ang nagmamahalang batayang bilihin at mga serbisyo. Malayo pa rin sa iginigiit nilang ₱50,000 ang kasalukuyang minimum na sahod ng Teacher 1 sa mga pampublikong paaralan na nasa ₱30,000. `Di hamak na mas mababa ang sahod sa mga pribadong eskwelahan. Lubos nilang ikinagagalit kung paanong ang libu-libong buwis at kontribusyon na ikinakaltas sa kanilang sahod ay kinukurakot lang ng mga tiwaling upisyal ng gubyerno at mga kakunsabo nilang negosyante. Dahil sa mga budget cut sa edukasyon, patuloy na naoobliga ang mga guro na kunin mula sa sariling sweldo ang panustos sa mga kagamitan sa pagtuturo.
Kulang na nga ang sahod, sobra-sobra pa ang kanilang gawain dahil sa kakulangan sa mga guro. Sa EV, may isang guro lang para sa bawat 22 estudyante sa elementarya, 24 na estudyante ng junior high school, at 33 sa senior high school. Mula 2018-2023, Nasa 374 lang ang nadagdag na guro bawat taon sa mga pampublikong paaralan. Umaabot sa 30,000 pa ang kulang na guro sa buong bansa.
Labis-labis din ang kakulangan sa mga klasrum at paaralan. Nasa 738 pa na barangay (o 17% ng 4,390 barangay) sa EV ang wala man lang pampublikong elementarya. Mula 2016, nasa 10 paaralang elementarya lang ang dagdag na naipatayo sa rehiyon. Mayroon lamang 1 paaralan ng junior high school sa bawat pitong barangay, at isang paaralan ng senior high school sa bawat siyam na barangay.
Iba’t ibang peligro pa ang sinusuong ng mga guro upang makapagturo. Tinatawid nila ang mga ilog at baha, inaakyat ang matatarik na bundok, at binabagtas ang mahahaba at baku-bakong daan nang walang tinatanggap na karampatang kumpensasyon. Ikinakabahala nila ang mga pasistang sundalo na nagkakampo at sumisira sa mga paaralan, mga daycare at iba pang sibilyang istruktura, na ligtas na mga lugar sana para sa pagkatuto ng mga bata. Binabalikat nila ang epekto ng panganganyon o operaysong militar sa komunidad, dahilan para hindi sila makapagdaos ng klase at nakadaragdag pa sa krisis sa edukasyon ng mga kabataan. Tumitindi rin ang pasistang pag-atake sa akademikong kalayaan (academic freedom) at pinipilit silang itaguyod ang burgis-pyudal na edukasyon ng rehimeng Marcos.
Sistematiko ang krisis sa edukasyon sa Pilipinas. Ito ay nagsisilbi sa layunin ng imperyalismong US, malalaking burges kumprador at malalaking panginoong maylupa na panatilihing atrasado ang ekonomiya ng bansa, walang industriya, mangmang ang mga Pilipino, at mababa ang pasahod. Sa gayon, maksimisado nila ang tubo na nahuhuthot mula sa murang hilaw na materyales at lakas-paggawa sa bansa. Samantala, lubog sa kumunoy ng kahirapan ang mga guro kasama ang malawak na masa.
Hindi magbabago ang ganitong kalagayan hangga’t hindi nagbabago kung sino ang nasa kapangyarihan. Kasama ang malawak na masa, kailangang mapangahas na lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan ang mga guro at manggagawang sa edukasyon upang ganap na mailuklok sa kapangyarihan ang mamamayan. Napakalaki ng ambag ng mga guro sa malawakang pagmulat sa mamamayan para sa tunay na lipunang pagbabago.
Tungkulin ng mga guro na mulatin ang kanilang kapwa guro, organisahin ang kanilang hanay at ipaglaban ang kanilang mga demokratikong kahilingan. Kailangan nilang malawakang magtayo ng mga unyon sa mga paaralan upang igiit ang nakabubuhay na sahod at mga benepisyo na nararapat sa kanilang binibigay na serbisyo. Importanteng maiugnay ng mga guro ang kanilang pakikibaka para sa sahod at mga demokratikong kahilingan, sa pakikibaka ng malawak na masa para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Dapat lalong paramihan pa ang mga balangay ng KAGUMA sa mga paaralan, klolehiyo at unibersidad sa kalunsuran at kanayunan upang mapakilos ang mga guro para sa rebolusyon.











