Bukas na bukas sa kababaihan ang larangan ng armadong pag-aaklas. Higit na makatarungan ang pag-aarmas sa harap ng higit na pagkabulok sa katangian ng burges na halalan. Nagsisilbing matabang lupa ang naganap na sarswela ng 2025 midterm eleksyon para makapagpalawak at mag-organisa sa malawak na hanay ng kababaihang anakpawis.
Matatandaan na ang malakas na kilusang masang anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasista nitong nakaraang mga dekada ang siyang nagtulak para mas igiit pa ang boses at kakayahan ng taumbayan sa larangan ng parlyamentaryo. Ang sistemang partylist ay ang maliit na siwang sa pintuan ng bulwagan ng Kongreso, ang pilit itinulak na buksan ng masa lalo na ng uring magsasaka at mga manggagawa para ipaglaban ang mga kinakailangang reporma sa mga batas at magpanukala ng mga adyenda na magtataguyod ng interes, karapatan at kapakanan ng mamamayan.
Kasama ang iba pang progresibong kandidato mula sa pambansa-demokratikong kilusan, sumabak ang kababaihan sa taktikal na pakikibakang parlyamentaryo. Sa layuning mas palakasin ang kilusang masa sa pambansa at pang-internasyunal na saklaw, nagpatakbo ng mga kababaihan para sa senado at partylist.
Ngunit lalong lumantad ang kabulukan sa larangang elektoral dahil sa burukrata kapitalismo sa malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Napalawak at napalalim ang dominasyon ng naghaharing-uri, tradisyunal na politiko at garapal na mga dinastiya ng halalang 2025 . Tagisan sa pera at kontrol sa mga aparatong elektoral ng malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa ang naging sukatan para makuha ang korona sa iba’t ibang posisyon ng burukrasya sa lokal na pamahalaan, kongreso hanggang sa senado.
At hindi pa nakuntento ang mga ganid sa kapangyarihan. Gumamit at nagpanalo rin sila ng kanya-kanyang pekeng partylists upang mas itatak pa ang kanilang dinastiya. Ayon sa pag-aaral ng Kontra Daya, isang election watchdog, 86 sa 156 na tumakbong partylists nitong 2025 midterm election ay hindi tunay na kumakatawan sa mahihirap na sektor sa lipunan. Halos kalahati, o 40 sa 86, ay mula sa political dynasty at 25 naman ang mula sa mga malalaking negosyante. Hindi kataka-takang tulad ng Duterte Youth, Tingog, 4Ps, at ACT-CIS ang mga nanguna sa partylist ngayon.
Kasama ang pekeng partylist ng Duterte Youth sa naging makinarya ng NTF-ELCAC. Hindi nila tinantanan ang pag-atake, pagre-red-tag at pamamasista sa mga progresibong partylists tulad ng Gabriela Women’s Party at sa lahat ng kandidatong ng Makabayan.
Naging laganap at sistematiko din ang dayaang naganap nitong halalan dahil sa maanomalyang automated election system (AES) provider na Miru Systems. Umabot sa 35 milyon overvotes ang naitala at 3.3 milyon dito ay mula sa partylist, ayon sa NAMFREL.
Ganid sa kapangyarihan na mga dinastiya sa politika, pekeng partylists, pamamasista, sistematikong pandaraya — ang mga ito ang lalong nagpabaho sa nabubulok na parlyamentaryong sistema at kasama na rito ang pagbabalahura sa sistemang partylist.
Sa umiigting na krisis pang-ekonomya at pampulitika, lagi’t-laging gagawa ng mga pamamaraan ang mga uring mapagsamantala at mapang-api, kasapakat ang imperyalistang Estados Unidos, upang manatili sa kapangyarihan. Isa na rito ang patuloy na paggamit at pagkontrol sa halalan upang makapaghari at maluklok sa poder ang mga tuta at mga bayaran. Kaya naman, walang aasahan ang taumbayan sa bulok na halalan.
Tila “showdown” na ngayon pa lang ang “pagbida-bida” ng ilang mga pulitiko sa paparating na eleksyong 2028. Si Sara Duterte ang posibleng mukha ng kampo at dinastiyang Duterte, na noong unang bahagi pa lamang ng 2024 ay nagdeklara na ng “digma” laban sa mga Marcos at Romualdez. Pinupostura rin ngayon ng LAP sina Leni Robredo at Risa Hontiveros bilang mukha ng “oposisyon” ngunit sa katunayan ay mga tagapagsalita rin ng naghaharing-uri at tagapagtanggol ng interes ng Estados Unidos, sa kaibuturan ay nasa poder upang proteksyunan ang sistemang nagpapanatili at mga patakarang nagpapalala ng pang-aapi at pagsasamantala sa kababaihang anakpawis.
Habang ginagamit ang kasarian bilang isa sa pampulitikang kapital, hindi nito kayang pagtakpan ang kanilang aktibong pakikiayon sa mga patakarang anti-mamamayan at sa pangangayupapa ng bansa sa dikta ng mga imperyalista. Kung ang karakas nila Sara, Leni at Risa ay pulitikang bulok at burgis, hindi kailanman nito tunay na itataguyod ang interes ng kababaihang anakpawis at sambayanan.
Kasabay ng papaigting na krisis sa bansa, namumuo ang banta ng pandaigdigang gyera sa sulsol at pagtutulak ng imperyalistang Estados Unidos. Patuloy ang pambobomba ng Israel sa Palestine na kumitil sa lagpas 50,000 na buhay ng mga Palestino na karamihan ay kababaihan at mga bata. Umiigting din ang gyera ngayon ng US-Israel laban sa Iran. Nariyan ang banta ng pagkaladkad ng Estados Unidos sa Pilipinas sa gyera. Pinayagan ni Marcos Jr. ang pagkakaroon ng mga karagdagang EDCA sites ng Estados Unidos sa bansa, paglalagay ng Typhon missiles sa Ilocos Norte, at ang malakihang Balikatan Exercises na taun-taong dinadaluhan ng libu-libong sundalong militar mula sa iba’t-ibang bansa.
Sa ganitong kalagayan, makatwiran ang manindigan at sumanib ang kababaihang pinagsasamantalahan at inaapi ng kabulukan ng sistema, sa armadong pakikibaka ng mamamayan.
Higit sa limang dekada na ang pagtataguyod ng MAKIBAKA sa napakahalagang papel ng kababaihan sa pagrerebolusyon.
Hindi sapat ang reporma sa sistemang itinatag para magsilbi sa iilan. Kailangang wasakin ito mula sa ugat. Kailangang itindig ang lipunang tunay na nagtataguyod ng interes ng kababaihang Pilipino. Sa pamamagitan ng pambansang demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba, maisusulong ang isang lipunang tunay na magsisilbi sa kapakanan ng inaapi’t pinagsasamantalahan. Dahil sa huli, ang maaliwalas na kinabukasan ng kababaihan at mamamayang Pilipino ay hindi iniluluwal ng eleksyon—ito ay ipinaglalaban, baril sa baril, mula sa kanayunan hanggang sa kalunsuran.
Wakasan ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo!
Kababaihan, tahakin ang landas ng armadong pakikibaka!