Buong tatag at giting na sinasalubong ng mga Kabataang Kabitenyo ang araw na ito upang ipagdiwang ang ika-61 anibersaryo ng pagkakatag ng Kabataang Makabayan sa perspektibang pagtagumpayan ang pambansa demokratikong rebolusyon sa kumpas ng Kilusang Pagwawasto. Gayong nasa rurok ngayon ang ahitasyon ng taumbayan dulot ng sistematikong korapsyon at katiwalian, marapat lamang na sagpangan ng mga rebolusyonaryong kabataan ang pampulitikang sitwasyon sa ating bansa upang maabot ang pinakamalalim at pinakamalawak na masa at mahimok silang isulong ang programa ng Demokratikong Rebolusyong Bayan.
Kasabay nating ipinagdiriwang ang kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, lider ng katipunan at anti- kolonyalistang pakikipaglaban sa mga Espanyol, gayong ang mga rebolusyonaryong kabataan ng Cavite ay nagpupursiging tahakin ang sulong pinagningas ng mga Katipunero, laban ngayon sa Imperyalismong US, Pyudalismo, at Burukrata-Kapitalismo. Hanggang umiiral ang Malakolonyal at Malapyudal na lipunan, tatagos hanggang sa mga lokalidad ng iba’t ibang sektor at mga unibersidad ang epekto ng sistematikong korapsyon at katiwalian sa pamumuno ng hari at reyna ng mga kurakot na sina Ferdinand “Bong-Bong” Marcos Jr at Sara Duterte.
I. Pondo sa edukasyon, hindi sa korapsyon!
Sa mga pribadong paaralan at unibersidad katulad ng De la Salle University Dasmarinas, The First Uniting Christian School Inc., at Emilio Aguinaldo College-Cavite, nanatili ang taunan at sapilitang pagtataas ng matrikula na siyang nagtatanggal ng oportunidad sa mga kabataang magtamasa ng dekalidad na edukasyon para sa kanilang kinabukasan. Maraming mga estudyante ang napipilitang lumipat ng mga paaralan, o kaya ay magtrabaho sa mga call center kung saan pagsasamantalahan rin ng mga korporasyon ang kanilang pang-intelektwal na serbisyo para sa mababang pasahod, imbes na ilaan na lamang ang kanilang buong oras at lakas sa pag-aaral.
Kasabay nito, ang pagpapatupad ng mga represibong polisiya upang pigilan ang mga kabataang-estudyanteng itaguyod ang kanilang mga karapatan para sa kanilang kapakanan. Ginagawang “sanctionable” o “subject to re-admission/expension/expulsion” ang paglahok sa mga pangmasang organisasyon at sa mga kilos-protesta, o kaya naman ay pinapatawag ang mga magulang sa kanilang mga paaralan upang takutin ang kanilang mga anak sa paglahok sa mga pampulitikang aktibidad.
II. De-facto Martial Law sa tabing ng NAP-UPD ng rehimeng US-Marcos II
Umiigting ang pasismo bunga ng mga kontra-rebolusyonaryong programa sa ilalim pa ng dating pangulong Rodrigo Duterte katulad ng Executive Order 70 na nagpapatupad sa Whole-of-Nation Approach at pinapakilos ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sa ilalim ng National Action for Peace, Unity and Development (NAP-UPD) ng rehimeng US-Marcos Jr, ipinagpatuloy nito ang sinimulang pasismo ni R. Duterte upang tuligsain ang rebolusyonaryong diwa at lakas ng mga kabataan at estudyante, at panatilihing bansot ang kanilang mga kaisipan.
Kung matatandaan, simula pa lamang pagpasok ng taong 2023, binulabog na ng mga berdugong kapulisan at sundalo ang mga unibersidad at paaralan sa pangunguna ng 2nd Civil Military Operations, Task Force Ugnay ng NTF-ELCAC para maglunsad ng tinatawang nilang Community Information Approach and Awareness Program na siyang lantarang naghahasik ng teror sa mga kabataan sa loob ng mga paaralan at komunidad upang supilin ang anumang anyo ng kanilang paglaban o paggigiit sa kanilang batayang karapatang pang-akademiko o pantao.
Nagpapatuloy rin ang pagpapakilos ng pasistang estado sa mga sibil na ahensya ng gobyerno katulad ng Department of Interior and Local Government (DILG) para maglunsad ng mga kontra-rebolusyonaryong programa. Sa bayan ng Dasmariñas, ipinatupad noong ika-15 ng Oktubre 2024 ng Sangguniang Panlunsod, Sixth City Council ang “Resolution No.395-S-2024” para gawing mandato sa mga tauhan ng sanggunian kabataan ang paglulunsad ng mga kontra-rebolusyonaryong programa at aktibidad sa kanilang termino.
Sa kabilang banda, ang mga kabataan ng maralitang lungsod at mga batayang sektor, ay kumakaharap sa sabay-sabay na isyu sa kanilang komunidad, paaralan at kabuhayan. Sa balangkas ng Development Plan ni Marcos at mga lokal na gubyerno, nagkakaroon ng bisang maipatupad ang mga proyektong kumbersyon sa tabing ng “kaunlaran”. Ito ang pangunahing nagdudulot ng demolisyon, sadyang panununog at malawakang pagpapalayas sa mga maralita sa kanilang komunidad.
Sa hanay ng mga kabataang manggagawa, nananatiling mababa ang sahod sa probinsya na umaabot lamang ng Php 510-610. Labas pa rito ang dami ng kontraktwal na manggagawa, lalo sa hanay ng mga bagong gradweyt o kahit nakapagtapos ng Senior High, na patuloy ang pangamba sa kawalan ng seguridad sa trabaho at benepisyo.
III. Kabataan, lumabas ng mga paaralan at komunidad! Tumungo sa kanayunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Malinaw na ang tanging landas ng kabataan tungo sa tunay na kalayaan at katarungan, ay ang pag-ambag ng kanilang lakas, oras, at panahon sa pambansa demokratikong rebolusyong kasama ang malawak na hanay ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang-lungsod, at iba pang batayang sektor sa lipunan.
Katulad nila Marjorie Manto, June Eric “Ka Japs” Perey, Jason “Ka Udyr” Pagalan, Jian Markus “Ka Reb” Tayco, Jet “Ka Alex” Magtira at marami pang rebolusyonaryong kabataang martir sa Cavite, na inalay ang kanilang buhay para sa pagsisilbi sa mamamayang Pilipino, marapat lamang ang paglahok ng mga kabataan bilang isa sa mga mapagpasyang panahon para pagtagumpayan, hindi lamang sa anyo ng protesta, kundi maging pagtungo sa kanayunan upang sumapi sa tunay na tagapagtanggol ng mamamayan, ang Bagong Hukbong Bayan. Sa harap ng sistematikong korapsyon at katiwalian, ang ating pangunahing lunas ay mapagtagumpayan demokratikong rebolusyon.
KABATAAN, ISULONG ANG DIGMANG BAYAN!
REBOLUSYON, TUNAY NA SOLUSYON!










