Ang Bayan Ngayon » Ika-apat na Pambansang Kongreso ng Kaguma, inilunsad

Nagtipon ang mga kinatawan ng mga balangay ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) nitong Oktubre para sa Ika-apat na Pambansang Kongreso ng rebolusyonaryong organisasyon. Hindi bababa sa 79 na delegado mula sa iba’t ibang rehiyon, akademikong institusyon at unibersidad sa sektor ng edukasyon ang dumalo sa kongreso.

Nagkaisa ang kongreso sa temang “Sulong rebolusyonaryong kilusang guro! Magwasto! Magpalawak! Makibaka! Magtagumpay! Buong kakayahang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba!” Mapagpasyang tugon ito ng mga guro sa hamon ng muling pagpapalakas ng Kaguma, bilang alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Matapos ang higit dalawang dekada, nailunsad muli ng Kaguma ang kongreso nito. Huling nakapagtipon ang kongreso noong 2003 na resulta ng pagtatagumpay ng rebolusyonaryong kilusang guro sa mga kahinaan at kamalian noong kasagsagan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na inilunsad ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Naisagawa ang ikalawang kongreso ng organisasyon noong Disyembre 1987. Noong 1985, naidaos ang Unang Pambansang Kongreso ng Kaguma bilang lihim na organisasyong nagtataguyod sa demokratikong rebolusyong bayan. Naitatag ang Kaguma noong Marso 28, 1971.

Ayon sa grupo, marapat lamang ilunsad ng Kaguma sa hanay nito ang puspusang pagwawasto. “Muling ibangon ang Kaaguma, mapangahas na magpalawak at magpalakas sa buong bansa. Puspusang isulong ang mga komprehensibong tungkulin para sa rebolusyon,” ayon sa Pambansang Kalihiman sa ulat nito sa pagsisimula ng kongreso.

Sa pagtitipon, iniulat ng pambansang kalihiman ang pagsusuma ng Kaguma sa sariling organisasyon sa nakalipas na dalawang dekada. Tampok dito ang mapagkumbabang pagpupuna sa sarili sa pagbitiw sa batayang prinsipyo ng rebolusyonaryong organisasyon at sa mga pamamaraan nito sa nakalipas na mga taon.

Niratipikahan ng kongreso ang Oryentasyon at Saligang Batas ng Kaguma. Naghalal din ang kongreso ng bagong Pambansang Konseho at Pambansang Komiteng Tagapagpaganap na tatayong pamunuan ng organisasyon sa buong bansa. Nahalal si Guia Umili bilang tagapangulo at tagapagsalita ng Kaguma.

Binalangkas sa kongreso ang anim na resolusyong gagabay sa tuluy-tuloy na pagsulong ng organisasyon. Inaprubahan din sa pagtitipon ang tatlong taong plano nito. Ang mga mayor na laman nito ay ang komprehensibong pagpapaunlad at pagpapasigla ng mga gawain ng rebolusyonaryong kilusang guro; ang ubos-kayang paglalantad, paghihiwalay at pagpapabagsak sa Rehimeng US-Marcos II; at ang aktibong paglahok sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka para isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan na may sosyalisyang perspektiba.

Binati ng NDFP at PKP ang kapasyahan at pagpupursigi ng Kaguma sa pagdaraos ng Ika-apat na Pambansang Kongreso nito.

“Umaasa kami na sa kongresong ito ay makokonsolida ninyo ang inyong hanay, makakahalaw ng mga aral mula sa mga karanasan, at mas matatag na susulong sa pagtupad mga tungkulin sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong hanay ng mga guro,” pahayag ni Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDFP.

Ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP, hindi mapasusubaliang makasaysayan ang nailunsad na kongreso, hindi lamang dahil naidaos ito matapos ang mahabang panahon, kundi dahil tiyak na bungad ito ng bagong panahon ng pagsulong sa mas mataas na antas ng rebolusyonaryong kilusang guro. “Ang binuo ninyong pagkakaisa sa inyong Kongreso ay lalaganap, magbibigay inspirasyon at magbubuklod sa libu-libo pang mga guro sa buong bansa,” aniya.

Dagdag ni Valbuena, ang Kaguma ay nagsisilbing sinag para sa mga guro na nagbibigay ng liwanag sa landas na dapat nilang bagtasin para makamit ang hangarin nila at ng buong bayan. “Sa inyong pagpupunyagi, binibigyan ninyo ng inspirasyon ang mga guro para tumanaw lagpas sa kasalukuyang mga kahirapan, at makiisa sa pakikibaka ng mas malawak na sambayanan para ganap na baguhin ang kaayusang panlipunan,” mensahe niya sa Kaguma.

Sa pagtatapos ng kongreso, sama-samang muling sumumpa ang mga kasapi at mga bagong halal na pamunuan na sinundan ng pangwakas na pananalita ng tagapangulo. Sa kanyang talumpati, kinilala at pinarangalan ni Guia Umili ang mga martir ng sektor at ng sambayanan. “Silang nag-alay at nagbuwis ng buong buhay para sa rebolusyon. Pagpugayan natin ang mga kasamahan nating nasa kanayunan, at tumatangan ng mataas na uri ng pakikibaka,” aniya.

Nag-iwan din ng hamon sa mga delegado ng kongreso si Umili. “Nawa’y patuloy na lumakas ang ugnayan ng ating rebolusyonaryong teorya at praktika; nawa’y ang mga dokumento’t mga pag-aaral ay hindi maging tigil na kaalamang nakaimbak lamang sa ating mga isipan kundi maging gabay sa pagpapaunlad ng ating pagkilos; at ang ating pagkilos nama’y itulak tungo sa mas mataas na antas ang ating rebolusyonaryong teorya,” panawagan niya.

Isinara ang pagtitipon sa pagkanta ng mga delegado ng Internasyunal.

Source link