Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno-South Mindanao Region (SMR) ng hustisya para sa namatay na manggagawa habang gumagampan ng kanyang trabaho sa Samal Island-Davao City (SIDC) Connector Bridge in Caliclic, Babak District, Island Garden City of Samal. Nahulog si Welmar Melecio Lagunsay, 25, residente ng Esperanza, Santo Tomas, Davao del Norte noong Hulyo 23 habang naghahanda ng pagbuhos ng semento sa construction site. Nadala siya sa ospital pero di na umabot nang buhay.
Nagpaabot ng pakikiramay ang KMU-SMR sa pamilya at kaibgan ng nasawing manggagwa.
“Hindi isolated na kaso ang insidente,” pahayag ng grupo. “Salamin ito ng kakulangan o kawalan ng occupational safety and health standards (OSHS) sa maraming lugar sa trabaho sa buong bansa.”
Sa nakaraang anim na buwan lamang, nakapagtala ang grupong Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) ng 153 manggagawang namatay sa mga lugar ng trabaho 255 manggagawang nasugatan.
Sa harap nito, siningil ng KMU-SMR ang rehimeng Marcos sa pagpapabaya nito sa kagalingan at kaligtasan ng mga manggagawa. Sa napakatagal nang panahon, isinasapanganib ng mga gubyerno ng Pilpinas, kabilang ng gubyerno ni Marcos Jr ang buhay ng mga manggagawa para sa tubo ng mga kapitalista, anito.
“Dapat sagutin ng China Road and Bridge Corporation (CRBC), ang kumpanyang namamahala sa konstruksyon ng SIDC Bridge ang pagpapalibing at iba pang gastusin ng pamilyang Lagunsay,” ayon sa KMU-SMR. Dapat mabigyan ng hustisya ng pagkamatay ni Lagunday at iba pang biktima ng paglabag sa mga pamantayan ng OSHS.
Sinimulan ang konstruksyon ng SIDC Connector Bridge sa gitna ng mariing pagtutol dito ng mga komunidad ng pangingisda, residente ng Samal Island at mga grupong maka-kalikasan dahil sa pinsalang dulot nito sa karagatan at kabuhayan ng mamamayan.











