PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID
TIMOG KATAGALUGAN
Reference Person : Eduardo Labrador, Spokesperson
pkmndf.st@gmail.com
Ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-National Democratic Front sa rehiyon ng Southern Tagalog ay mariing kumukondena sa kainutilan at napakabagal na pagpapadaloy ng tulong ng rehimeng US-GMA sa mga naging biktima ng nakaraang bagyong Ondoy at Pepeng.
Dalawang linggo matapos ang delubyo ay nananatili pa rin ang malawak ng bilang ng nasalanta na hindi man lamang nakakatikim ng anumang relief operation at assistance mula sa gobyerno.
Nakakapagpuyos ng damdamin na sa panahon ng matinding kalamidad ay walang pag-aaruga sa kanyang mamamayan ang rehimeng Arroyo kung kaya’t nanatiling walang masulingan, ligalig at walang katiyakan kung paano makakasalba ang mga mamamayang biktima ng pagbaha lalo na ang masang magsasaka at mangigisda sa rehiyong Timog Katagalugan.
Sumampal sa mukha ng rehimen ang epekto ng kanyang pagiging ganid, kurap, magnanakaw at pasistang pamamalakad sa gubyreno na sa panahong ng kalamidad ay wala man lamang kagyat na maibigay na tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Winaldas na nito ang pondo ng bayan para sa sariling luho ng pamilya at mga alipores nito at sa paglalaan ng malaking pondo sa mga kontra mamamayang programa at patakaran tulad ng kanyang hibang na pakanang Oplan Bantay Laya 1 at 2 para diumano’y durugin ang rebolusyonaryong kilusan hanggang sa taong 2010.
Lalo pang nakakapagpabagal sa pagdating ng mga tulong ang lansakang korupsyon ng mga alipores at tagasunod ng rehimen sa lokal na gobyerno sa antas ng lalawigan at munisipalidad bukod sa malinaw na kawalan nito ng kakayahan at pagiging inutil nitong bigyan ng sapat na tulong ang mga sinalanta ng bagyo at baha.
Sa kabila ng bilyun-bilyong pondong ninanakaw sa kaban ng bayan at laganap na mga iskandalosong katiwalian ng rehimeng Arroyo, ang mamamayang sinalanta ng kalamidad at tunay na nangangailangan ay napapagkaitan sa kinakailangang tulong na pagkain, tubig, kuryente, serbisyong medikal at masisilungan.
Napapanahon din sa pagkakataong ito na tukuyin ang masamang epekto ng malawakang pagtototroso, pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan tungo sa malalaking subdibisyong residensyal, pook-turismo, enklabong industriyal at sentrong komersyal.
Ayon sa mga dalubhasa ng University of the Philippines, hindi maaaring isisi lamang sa labis na dami ng ulan at pag-awas ng mga dam ang pagbahang naganap dahil sa nakaraang apat na dekada ay hindi ito nangyari, kung gayo’y ang pagsusulputan ng mga subdibisyong residensyal at sentrong komersyal sa paligid ng mga ilog ang siyang sumira sa natural ng daloy ng tubig na nagresulta sa mapaminsalang baha noong nakaraang linggo.
Kinabukasan pa lamang matapos ang pananalanta ni Ondoy ay nanawagan na kaagad ang PKM-NDF sa rehiyon sa kanyang mga balangay at kasapian na ibuhos ang kakayaning lakas-paggawa at rekurso upang magsagawa ng mga kagyat na relief operation sa mga apektadong lugar at lampas pa ay pagtulong sa muling pagrehabilita at muling pagtatayo ng mga panirahan at pagsasaayos ng mga kabuhayan at mga sakahan; pagpapakita ito na kahit pa may kakapusan sa sariling rekurso ang maralitang mamamayan ay magagawa nitong tumipon ng kakayaning pantulong at higit sa lahat ay magpapakita ito ng organisadong lakas ng mga rebolusyonaryong organisasyon tulad ng PKM sa anyo ng mga kooperasyon at bayanihan lalo na sa mga panahon ng kalamidad.
Patunay ang nagaganap na malawak na bolunterismo ngayon sa rehiyon kung saan katuwang ng uring magbubukid ang iba pang sektor sa pagsasagawa ng mga relief operations at iba pang tulong-rehabilitasyon.
Habang nagpapadala ng mga boluntir at tulong-materyal sa nagaganap na mga pagsisikap na muling maiahon sa kalunus-lunos na kalagayan ang mga mamamayan ng rehiyon na nasalanta ng bagyo at baha, ang rebolusyunaryong organisasyon ng magsasaka sa ilalim ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM-TK/NDF) sabuong Southern Tagalog sa tulong ng kanilang hukbo – ang New People’s Army sa pamumuno ng PKP-MLM sa rehiyong Timog Katagalugan ay puspusan din sa pagsasaayos ng kanilang mga nawasak na pananim at kabuhayan.