Grupong magtataguyod sa karapatang-tao at IHL sa ilalim ni Marcos, itinatag

Itinatag ng mga lider-relihiyoso, taong-simbahan, mga grupo sa karapatang-tao, at iba pa ang Manindigan Network, isang ugnayang lalaban sa mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas (IHL o International Humanitarian Law) sa ilalim ng rehimeng Marcos. Nagtipon sila noong Setyembre 6 sa Shalom Center sa Maynila.

Pangungunahan ang network ng mauupong tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action, Justice, and Peace at San Carlos Bishop na si Most Rev. Gerardo Alminaza. Makakasama niya bilang convenor ng network ang iba pang mga lider-simbahan, akademiko at propesor, abugado, bilanggong pulitikal, konseho ng mag-aarala at ang Bagong Alyansang Makabayan.

“Ang mga komunidad, lalo na sa kanayunan at ng mga katutubo, ay patuloy na nagdurusa mula sa mga pambobomba, panghaharas, at militarisasyon,” ayon sa obispo. Magsisilbi, aniya, ang network bilang ugnayan para manindigan para sa mga tao na ang buhay at dignidad ay nilalapastangan ng terorismo ng estado na pinondohan gamit ang pera ng bayan.

Sa tala ng Ang Bayan, mayroong hindi bababa sa 3,321 kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos. Biktima nito ang higit 680,000 indibidwal kung saan 256 ang pinaslang.

Naitala rin ng AB, ang hindi bababa sa 78 mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, myembro ng Bagong Hukbong Bayan, at ng National Democratic Front of the Philippines na dinakip at sadyang pinaslang ng mga pwersa ng AFP mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2025. Ang mga ito ay tahasang paglabag sa IHL at mga alituntunin ng digma.

Ayon sa Manindigan Network, walang nagbago at higit pang naging mabagsik ang pagpapatupad ng pasistang mga patakaran at panunupil ng rehimeng Marcos mula sa dating rehimeng Duterte. Ipinagpatuloy ng rehimen ang National Task Force-Elcac na binuo sa bisa ng EO70, at ngayon ay pinabagsik sa pamamagitan ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD). Patuloy ring ginagamit ni Marcos ang Anti-Terrorism Law laban sa mga progresibo at karaniwang mamamayan.

“Hindi natin maaaring hayaang magpatuloy ang kawalang pananagutan, laluna sa harap ng pagtatakip ni Marcos Jr sa sitwasyon ng karapatang-tao sa bansa,” pahayag ng network. Nagpahayag ang grupo ng suporta at pakikiisa sa mga komunidad ng katutubo, mga magsasaka sa kanayunan, at iba pang inaaping sektor ng lipunan na pilit pinatatahimik ng estado.

Source link