Sa taunang ulat na isinapubliko nitong Enero, muling tinukoy ng Commission on Audit (COA) ang mga iregularidad sa ulat ng Davao City kaugnay sa ari-arian at pondo ng lokal na gubyerno. Partikular na tinukoy ng ahensya ang “unreconciled” inventory of property, plant and equipment o “di tugma” na imbentaryo ng property plant and equipment (PPE) para sa taong 2024. Kasalukuyang meyor ng syudad si Sebastian Duterte.
Napag-alaman ng COA sa huli nitong awdit na ang iniulat ni Duterte na ₱8.197 bilyong halaga ng PPE ay di tugma sa aktwal na umiiral na mga mga ari-arian at kagamitan (physical assets) ng Davao City. Sa gayon, itinuring ng COA ang ulat bilang “di maasahan” at nagbubukas sa iba’t ibang kwestyon at anomalya. Kabilang sa hindi beripikadong at walang pisikal na kumpirmasyon na PPE ang mga sistemang flood control, power supply network, imprastruktura pantelekomunikasyon, gusali, pasilidad pang-edukasyon, at ospital. Ang mga ito ay hindi nahanap, nakilatis (inspect) o nakumprima ng mga awditor.
Pinuna ng COA ang di tugmang ulat ng napalaking halaga ng PPE ng Davao City dahil maaaring di umiiral o ghost ang mga ari-arian na nakalista dito.
Ayon sa COA, maari ring artipisyal na mapalobo ng ulat ang tunay na halaga ng pag-aari ng syudad. Maaring magamit ito para magbigay ng pekeng larawan sa mga mamumuhunan, nagpapautang at sa publiko kaugnay sa tunay na katayuang pinansyal ng Davao City.
Gawing maanomalya ng mga Duterte
Hindi bago ang pagsusumite ng Davao City ng di tugmang imbentaryo sa PPE. Alinsunod na rin ito sa mahabang gawi ng mga pamilyang Duterte ng pag-uulat ng mga “ghost” na ari-arian at empleyado.
Noong 2021, pinuna na rin ng COA ang ₱9.489 bilyong kwestyunableng ulat sa PPE ng syudad, na noo’y nasa ilalim ng paghahari ng ngayo’y VP Sara Duterte. Noong 2024, kunwaring nagtayo ang magkapatid na Sara at Sebastian ng “inventory committee” para habulin ang beripikasyon ng mga ari-arian. Ayon sa mga ulat, nagsimula ang mga inspeksyon noong Hunyo 2024 at dapat nakumpleto noong Hunyo 2025. Pero pagsapit ng Pebrero 2025, nasa 43.74% pa lamang ng mga ito ang napatunayang umiiral. Hanggang sa kasalukuyan, walang ulat na tinapos ng mga Duterte ang mga inspeksyon. Lumalabas na sadya nila itong pinababayaan.
Palpak na tugon sa mga sakuna
Dagdag na anomalya ng mga Duterte ang palpak na pagtugon nito sa mga sakuna batay sa hindi maayos na paggamit sa pondong pangkalamidad ng syudad.
Sa report ng COA, ₱60.79 milyon or 13.86% lamang sa ₱438.75 milyon na pondo para sa mga sakuna ang nagamit ng mga Duterte noong 2024. Pinuna ng ahensya ang kawalang implementasyon ng mga programa at proyekto na nakalaan para sa disaster risk reduction, paghahanda, mitigation, pagtugon, at rekoberi.
Alinsunod sa awdit ng COA, pito lamang sa 31 proyekto sa ilalim ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) ang nakumpleto ng mga Duterte noong 2024. Sa mga proyektong ito, 19 ang hindi natapos, at lima ang hindi man lamang nasimulan.
Ang pagkaantala ng maraming proyekto ay may masamang epekto sa pagbibigay ng agaran at krusyal na serbisyo sa mga dapat nagbebenepisyo dito, ayon sa COA. Pinagsabihan nito ang Davao City na ang mga proyekto sa ilalim ng LDRRMF ay may kakagyatan dahil sa “kritikal na papel” ng mga ito sa pagharap sa mga sakuna. Inatasan nito ng Davao City na agad na ipatupad ang mga programa, hindi lamang sa taong 2024, kundi pati sa naunang mga taon na pinabayaan rin ng mga Duterte.











