Hindi bababa sa limang gawa-gawang kaso laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatan na isinampa ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado at NTF-Elcac ang napabasura kamakailan. Isa rito ang isinampa ng 70th IB na kasong oral defamation laban kina Jonila Castro at Jhed Tamano, mga kabataang aktibistang pangkalikasan. Naipabasura rin ang magkaibang kasong isinampa laban kina Rev. Nathaniel “Dodo” Vallente ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) ng Bohol, unyonistang si Eugene Eugenio ng Rizal, at dalawang aktibista mula Cebu.
Ibinasura ng korte sa Bulacan ang kaso laban sa dalawang kabataang aktibista noong Hunyo 5. Ang kasong ito ay isinampa ni Lt. Col. Ronnel dela Cruz ng 70th IB bilang paghihiganti sa dalawang aktibista, na dinukot, tinortyur, at iligal na ikinulong ng militar sa loob ng 17 araw. Sinubukan ng militar na palabasin silang mga sumukong rebelde sa isang press conference, pero buong tapang na isiniwalat ng dalawa sa harap ng midya ang tunay na nangyari. Ang pagbasura ng kaso ni Judge Sheila Orquillas ay ligal na pagkilala na walang saysay ang mga paratang at na ang mga pahayag nina Jhed at Jonila ay makatotohanang anyo ng paglaban at pagtatanggol sa sarili.
Ipinagbunyi ng Karapatan ang pagbabasurang ito bilang bahagi ng tagumpay laban sa mas malawak na padron ng panliligalig at panunupil ng mga pwersa ng estado at NTF-Elcac laban sa mga aktibista, manggagawang makatao, at mga tumututol sa gubyerno.
Ipinagdiwang din ng grupo ang pagbasura ng gawa-gawang mga kaso laban kina UCCP Rev. Vallente, isang tagapagtanggol ng karapatan ng mga magsasaka, at unyonistang kawani ng gubyerno na si Eugenio. Dalawang bilanggong pulitikal rin na sina Lopito Jabagat at Eduardo Cullamat na walong taon nang nakakulong sa Cebu ang ipinawalang sala noong Hunyo 3 sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives, at obstruction of justice.
Binigyang diin ni Cristina Palabay, pangklahatang kalihim ng Karapatan, na mahalaga ang mga tagumpay na ito sa paglaban sa sistematikong paggamit ng korte upang maghasik ng takot at supilin ang pagtutol. Ani Palabay, hindi makatarungang ikinukulong o palaging isinasapanganib ang mga aktibista, manggagawang makatao, at mga tumututol sa pulitika sa pamamagitan ng pagpaparatang at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso.
“Isang sistematikong pamamaraan ito ng NTF-Elcac at mga pwersa ng seguridad ng estado upang hadlangan ang gawain ng mga indibidwal at grupo at maghasik ng takot at kawalang-katarungan sa mamamayan, sa pamamagitan ng paggamit ng mga batas at korte bilang sandata upang patahimikin ang pagtutol,” aniya.
Samantala, binigyang diin ng Kalikasan ang simbolikong petsa ng pagbasura ng kaso laban kina Jhed at Jonila na tumapat sa World Environment Day. Tinawag ng grupo ang tagumpay bilang “malinaw na pagkontra sa mga tangkang patahimikin ang mga tagapagtanggol ng kalikasan na lumalaban sa mga mapanirang proyektong banta sa mga komunidad at ekosistema.” Sina Jonila at Jhed, nang dukutin ng mga militar sa Bataan, ay nagsisiyasat noon sa epekto ng reklamasyon at iba pang mapanirang proyekto sa Manila Bay.
“Ipinakikita ng tagumpay na ito sa korte ang tunay na katangian ng kaso bilang isang desperadong hakbang para pagtakpan ang mga pagdukot ng estado at para takutin ang mga lumalaban,” ayon sa Kalikasan. Iginiit ng grupo hindi lamang ang pagbabasura sa gawa-gawang kaso, kundi pati ang pagpapanagot sa mga responsable sa pagdukot, iligal na detensyon, at panliligalig sa dalawang aktibista. Nanawagan ito na buwagin na ang mapanupil na NTF-Elcac at tapusin ang militarisasyon at mga proyektong sumisira sa kalikasan.
“Napawalang-sala na sina Jhed at Jonila, gayundin si Reverend Dodo at si Eugene. Ipagpapatuloy namin ang pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga di makatarungang inaresto at ikinulong dahil sa gawa-gawang mga kaso sa loob at labas ng korte,” ayon sa Karapatan.