Diumanong panggigipit ng BHB sa paaralan sa Himamaylan City, pinasinungalingan ng DepEd

Naglabas ng pahayag ang Department of Education (DepEd) Schools Division Office of Himamaylan City noong Hunyo 25 para pasinungalingan ang kumalat na balita na ginipit ng mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga guro sa paaralan sa Barangay Buenavista. Ang balita na tinawag ng DepEd Himamaylan City bilang “pekeng balita” ay ipinakalat ng Facebook page na Pagmata Negros na pinatatakbo ng Armed Forces of the Philippines.

Sa ulat ng Pagmata Negros, sinabi nitong nangyari ang insidente habang ang guro ay nasa kanilang paaralan at nilapitan ng armadong lalaki na sinasabing myembro ng BHB.

“Ang maling impormasyon na ito ay lumilikha lamang ng takot at nakasisira sa takbo ng edukasyon ng mga estudyante,” pahayag ni Gladys Amylaine Sales, Schools Division Superintendent. Aniya, natukoy nila sa isinagawang konsultasyon at pakikipanayam sa mga awtoridad at tauhan ng paaralan na walang naiulat na ganoong pangyayari.

Hinimok niya ang mga guro sa ilalim ng dibisyon na manatiling kalmado, at tutukan ang kanilang mga tungkulin at magpatuloy sa pagbubuo ng isang ligtas at mapayapang komunidad at eskwelahan. Nagsimula ang bagong taong pang-akademiko ng DepEd noong Hunyo 16.

Samantala, umapela si Sales sa publiko na maging maingat at kritikal sa pagbabahagi ng impormasyon na may mahigpit na epekto sa kaligtasan ng publiko.

Source link