PRWC » Demokratikong rebolusyong bayan ang solusyon sa krisis ng korapsyon

Sumambulat na ngayon ang matinding bitakan sa hanay ng mga paksyon ng naghaharing uri. Hindi na kayang pagtakpan ni Bongbong Marcos at ng mga alipures niya ang pagiging sangkot nila sa katiwalian at malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa mga pahayag ni Zaldy Co, malinaw na iniiwas niya ang sarili sa pagsasabing wala ni kusing na perang napunta sa kanya.

Ngunit natuto na ang taumbayan sa mga ganitong moro-moro. Matagal na nating alam na sangkot hindi lamang si Marcos Jr kundi ang buong makinarya ng estado sa sistematikong nakawan. Si Co mismo ay isa sa mga susing tao sa pagmamanioba ng pondo bilang Chairman ng appropriations committee, habang si Marcos naman ang nasa ulo ng lahat ng katiwalian bilang nag-uutos at huling pumipirma sa anumang galaw sa budget.

Todo-kayod ngayon si Marcos para pagtakpan ang kaniyang pagkasangkot. Pinipilt nitong isubo sa mamamayan ang naratibong siya ang nagtutulak ng mga imbestigasyon para ilihis ang mga tanong sa kanya. Nagsisilbi naman ang mga grupong “sosyal-demokratiko” tulad ng Akbayan at iba pang populista bilang mga espesyal na ahente ni Marcos at tagapagtanggol nito. Mariin ang kanilang paninindigan sa hindi dapat isama o pangalanan si Marcos sa mga panawagan ng pagpapanagot.

Sa Laguna, danas pa rin ng mga Lagunense ang matinding epekto ng baha at kawalan ng serbisyong panlipunan. Maraming mga residente na nakatira sa mga slum colony sa baybayin ng lawa ng Laguna ang napilitang lumikas mula noong Hunyo at hanggang ngayo’y hindi pa rin makabalik. Sa ika-4 distrito ng lalawigan, tuluyang sinisira ang kabundukan ng Sierra Madre upang magbigay daan sa mga clean energy project tulad ng mga dam at windmill farm, na nagiging sanhi rin ng pagbaha, landslide, paglason ng mga ilog, at pagpapalayas sa mga komunidad.

Sa ganitong kalagayan, ang tanging salalayan ng mamamayang Lagunense ay ang ating militanteng pakikibaka. Malinaw na walang maaasahan ang masang Pilipino sa pagpapatuloy ng kasalukuyang burukrata kapitalistang sistemang pulitikal na nagsisilbi lamang sa ganansya ng mga naghaharing paksyon at mga kasapakat nito.

Ang sumisikad na kilusang masa sa kasalukuyan ang manipestasyon ng pagkamuhi ng mamamayan sa korap na sistema. Patuloy na lumalawak ang kilusang anti-korapsyon na binubuo ng kilusang kabataan-estudyante kasama ang mga manggagawa, magsasaka, at maralita, taong simbahan, abugado, negosyante at iba pang demokratiko at aping sektor at uri. Sumisikad ang mga panawagang patalsikin kapwa si Sara Duterte at Bongbong Marcos at itatag ang national transition council para magsulong ng mga kinakailangang reporma sa sistemang pulitika ng rekasyunaryong estado.

Ganoonman, dapat mabatid ng taumbayan na ang tunay na solusyon laban sa korapsyon ay ang pagsusulong at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB). Layunin ng DRB na lutasin ang ugat ng korapsyon—ang burukrata kapitalismo at ang dalawa pang ugat na sumusuhay rito: ang imperyalismo at pyudalismo. Tanging sa pagbagsak ng kasalukuyang bulok na estado at sa pagtatatag ng isang estadong nagsisilbi sa tunay na interes ng masang anakpawis natin mapapawi ang malubhang sakit ng korapsyon sa ating bayan.

Nananawagan ang NDFP Laguna sa lahat ng rebolusyonaryong organisasyong masa na paigtingin ang pakikibaka para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo! Ngayong kaarawan ng dakilang proletaryadong si Gat Andres Bonifacio, dakilain natin at tanganan ang kanyang ehemplong matapang na isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Bitbitin natin ang sulo ng rebolusyon at iangat ito sa panibago at mas mataas na antas. Palawakin natin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, magsagawa ng rebolusyonaryong propaganda, ahitasyon, at edukasyon, at higit sa lahat, palakasin ang armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan sa ating lalawigan at sa buong bansa.

Lubos na hinog ang kundisyon para sa patuloy na pagsulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Ngayon ang panahon para isabuhay natin ang diwa ni Gat Andres! Tulad ni Bonifacio, mangahas tayong lumaban gamit ang ating mga sandata: ang siyensya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang estratehiya at taktika ng demokratikong rebolusyong bayan, at ang matatag na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanang nakikibaka! Mamamayang Lagunense, makibaka hanggang sa tagumpay!

Source link